Prinsipe ng mga Makatang Pilipino
Ang prinsipe ng mga makatang Pilipino, si Francisco Baltazar, ay bata pa nang magkahilig sa pagsulat ng tula. Dala ng inspirasyong dulot ng mga matatanda sa kaniyang baryo tuwing may mga idinaraos na kasayahan, nabatid niya na siya man ay makalilikha rin ng magagandang mga pangungusap at isipan.
Nang siya'y may sampung taong gulang pa lamang, naglingkod siya bilang isang katulong para siya makapag-aral. Nagtapos siya sa San Juan de Letran sa Intramuros ng Elementarya. Sa Colegio de San Jose naman niya kinuha ang kanyang "canon law" at "Roman law."
Pinagbuti niya ang kanyang dunong sa pagkamakata sa tulong ni Joseng "Sisiw." Ang bansag na ito ay nakamit ng matandang maestro dahil sa ang ibinabayad ng mga tinuturuan niya ay mga sisiw.
Ang kahusayan ni Baltazar sa pagtula ay nabalita. Di-naglaon, sumulat din siya ng mga corrido, comedias, at mahahabang kwentong patula. Aug pinakamaiksi dito ay tumatakbo ng limang oras sa entablado; ang pinakamahaba ay mga labindalawang gabi.
Ang ilan sa mga kilalang sinulat ni Baltazar ay "Crosman y Zafira," "Nino Gordeano" at ang bantog na "Florante at Laura." Marami sa kanyang nilikha ay mga dulang pang-entablado sa Teatro del Tondo, isang popular na samahan ng mga mandudula noong panahong iyon. Itong samahang ito ay nagpapalabas din ng mga dupluhan, mga balagtasan at debate. Kampeon si Baltazar sa mga tunggaling ito, at tinawag na nga tuloy siyang Balagtas.
Nakulong ang makata sa piitan nang isinuplong siya ng isang mayamang mangangalakal na nagpapahirap daw ng alila. Ngunit sa piitan man, nagpatuloy din siyang sumulat ng mga tula upang may maitustos siya sa kanyang pamilya. Mga kaibigan niya ang tumulong na ipagbili ang kanyang mga likha.
Magpipitumpong-taon na siya nang siya'y makalaya sa pangalawa niyang pagkapiit. Naglingkod siya bilang isang kawani sa korte at nagsulat na lamang ng mga dokumento at mga sulatin ng mga mambabatas.
Nang siya'y mamatay, nakita sa kanyang mga pag-aari ang maraming katha - mga tula, kuwento at dula na ngayo'y nagsisilbing mga buhay na alaala ng isang matalino't magiting na Pilipino.
Sign up here with your email
ConversionConversion EmoticonEmoticon