Print Friendly and PDF

Alamat ng Arbol de Fuego

Alamat ng Arbol de Fuego

Noong unang panahon, noong bata pa ang mundo, ang mga diyos at diyosa ay nakikisalamuha pa sa mga tao sa lupa. Isa sa mga ito ay si Haring Araw. 

Si Haring Araw ay tanyag, hindi lamang dahil sa kanyang kapangyarihan, kundi pati na rin sa kanyang nag-iisang anak na dalaga na ubod ng ganda. Maraming kalalakihan ang pumipila upang hingiin kay Haring Araw ang kamay ni Sinag upang mapangasawa. Ngunit, ang hari ay sadyang mapili. Ang nais niyang mapag-isang dibdib ng kanyang nag-iisang anak ay ang anak ng tulad din niyang diyos o di kaya’y isang dugong bughaw.

Subalit tulad ng kanyang amang mapili, si Sinag ay walang magustuhan sa mga nais ng ama niya na manligaw sa kanya. 

Isang araw, habang namamasyal ang dalaga sa kanilang kaharian ay nakita nito ang isang matipuno at guwapong binata. Inatasan niya ang kanyang alipin na alamin kung sino ang lalaki. Inanyayahan ng alalay ang lalaki at ito ay nagpakilala kay Sinag. 

Mula noon araw-araw nang nagpupunta sa bahay ni Poy ang magandang dalaga. Di naglaon naging magkasintahan ang dalawa. 

Nalaman ni Haring Araw na ang kanyang anak ay umiibig sa isang pangkaraniwang tao. Nagalit ito at pilit na pinaglalayo ang dalawa. Pinagbawalan niya ang kanyang anak na lumabas ng kanilang palasyo. Dali-dali rin niyang pinagkasundo na ipakasal ang dalaga sa anak ng kaibigan niyang si Haring Buwan. 

Ngunit sa pamamagitan ng tapat na alipin ng dalaga, ang dalawa ay palihim na nakakapag-usap. Napagkasunduan ng magkasintahan na sila ay tatakas at magtatanan.   

Nang isang araw na magpasyang magpahinga si Haring Araw at ang mga ulap ay unti-unting pumaligid sa mundo, sinamantala ni Sinag ang makulimlim na panahon upang tumakas mula sa palasyo. Dali-dali siyang nagpunta sa bahay ng binatang iniirog. Subalit nagising ang hari at nang malamang umalis ang kanyang anak ay mabilis niya itong sinundan.   

Nagliwanag ang buong mundo at nahuli ni Haring Araw ang tangkang pagtatanan ng dalawang magkasintahan. Sa galit ng hari sa anak, nasambit nito na ang dalaga ay hindi na muling makakatuntong sa lupa. Mananatili na lamang si Sinag sa kalangitan kung saan hindi na siya maabot ng binata. At para sa mapangahas na binata na umibig sa anak ng hari ng araw, ito ay sinumpa ng hari na manatili sa kinatatayuan upang hindi masundan ang dalaga.   

Pagkasambit ng hari ay unti-unting umangat ang dalaga at habang pumapalangit ay umiiyak na nagpapa-alam sa kanyang kasintahan. Samantalang ang mga paa ni Poy ay parang napako sa lupa at siya ay dahan-dahang naging isang puno. Siya ang pinaka-unang puno na tinatawag ngayong Arbol de Fuego.   

Sa kasalukuyan, mapapansin na ang punong Arbol de Fuego ay namumulaklak na parang kulay apoy lalo na tuwing pinakamainit ang panahon. Ito ay ang binatang si Poy na nagpapahiwatig ng kanyang taimtim na pagmamahal sa kasintahang si Sinag.
Previous
Next Post »