Print Friendly and PDF

Dalawang Lapis

Dalawang LapisMaikling Kwento: Dalawang Lapis


Isang hapon, dalawang lapis na kapwa nalaglag sa playground ng paaralan mula sa dalawang batang mag-aaral ang nagkatagpo at sila ay nag-uusap.


Lapwan: "Hoy, laptu, kumusta ka?"


Laptu: "Mabuti, ikaw, Lapwan, kumusta ka rin?"


Lapwan: (Umiling-iling) "Hindi mabuti, kaibigan."


Laptu: "Kung hindi mabuti, marahil ay masama. Gayon nga ba?"


Lapwan: "Oo, gayon nga."


Laptu: "Bakit naman?"


Lapwan: "Dahil ang amo ko ay hindi mabuting amo. Mahina sa klase. Salbaheng bata. Kung anu-anong kalokohan ang ginagawa at ipinagagawa sa akin."


Laptu: "Ano'ng ibig mong sabihin ng mga 'kalokohan'? Anu-ano ba 'yon?"


Lapwan: (Bumuntung hininga) "Napakaraming kalokohan, pero ilan lamang ang sasabihin ko sa iyo at sapat na 'yon. Heto... Ako'y madalas niyang isulat at ipagdrowing sa baro ng mga kaklase niyang nakatalikod sa kanya pag hindi nakatingin si Titser. Isinusulat din niya ako at ipinangdodrowing sa dingding ng classroom, sa desk at kung saan-saan pa. At isang araw, nang may nakagalit siyang kaeskuwela, ay ginamit niya akong panaksak. Isinaksak niya ako sa kanyang kaaway, at mabuti na lamang at nakailag ito at kumaripas ng takbo."


Laptu: "Hindi nga pala mabuti. (Umiling-iling.) Hindi nga pala mabuti."


Lapwan: "Ikaw naman, bakit mabuti ang buhay mo?"


Laptu: "Dahil ang amo ko ay isang mabuting amo. Marunong siya at mabait. Hindi gumagawa ng anumang kalokohan, hindi nakikipag-away. Ako'y ginagamit niya lamang sa pagsulat sa kanyang notebook at pad paper. Sa mga test at examination ay ginagamit din niya ako at madalas ay 100! At sinulatan ng 'Very Good' ng mga titser niya ang mga ipinagawa niya sa akin, sulat o drowing man. Ikaw ano ang mga grades na natatamo ng iyong amo kapag ginagamit ka niya...?"


Lapwan: "Ay naku, nakakahiya ang mga grades ng amo ko. Madalas ay itlog o zero. Kung minsan ay hindi ako ginagamit ng amo ko kung may test sila. Nagkukunwari lamang siyang sumulat. Minsan nga'y nahuli siya ng titser niya at siya'y napagalitan. Walang pag-asang makapasa ang amo ko. Mabuti pa'y magtanim na lamang siya ng kamote!"


Laptu: (Napatawa ng Malakas) "Kawawa ka naman. Teyka, bakit nga pala ganyan ang ayos mo? Parang nginatngat ng daga ang pagkakatasa sa iyo..."


Lapwan: (Bumuntong-hininga naman) Alam mo, kaya ganito ang tasa ko, nakalimutan ng amo kong patasahan ako sa kanyang Tatay sa bahay nila. At kanina, nang magpasulat si Titser, ay tinasahan ako ng dali-dali ng amo ko sa pamamagitan ng kanyang mga ngipin!"


Laptu: "Ay naku, talaga palang nakakaawa ka. Tama nga pala ang sagot mong 'Hindi mabuti' nang kumustahin kita. Kung matutulungan lamang kita... Pero, huwag kang mawawalan ng pag-asa. Baka mapulot ka ng isang mabait at marunong na mag-aaral!"


Kuwento ni Miguel Arguelles

Previous
Next Post »