Print Friendly and PDF

Alamat ng Dama de Noche

Alamat ng Dama de Noche

Noong unang panahon, may isang maharlikang mag-asawa na biniyayaan ng isang anak na lalaki. Sapagkat, may kaya sa buhay, lumaki ang bata na sinusunod ng mga magulang ang lahat ng kagustuhan nito. Hanggang sa magbinata na nga ito at natututo ito ng maraming bisyo. Kasama ng mga kaibigang tulad din niya ay mga maharlika, natututo itong uminom, magsugal at mambabae.

Nagpatuloy sa ganitong gawain ang binata hanggang sa mamatay ang mga magulang nito at maulila. Nag-alisan na rin ang mga kasambahay nito ng mamatay ang mga magulang niya. Walang nakakatagal sa ugali nitong pala-utos at pala-sigaw sa mga kasambahay.

Sapagkat wala itong alam na gawaing bahay ay gulo-gulo na ang dating maayos at magandang tahanan. Napabayaan na ang mga tanim at ang buong bahay ay puno ng agiw at alikabok. Napabayaan din nito ang sarili, nangayayat ito at naging sakitin. Maging ang naiwang pamana ng kanyang mga yumaong mga magulang ay unti-unti na ring nauubos.

Napaisip ang binata at napagtanto nito na isa lang ang solusyon sa kanyang problema. Ito ay ang humanap siya ng mapapangasawa nang sa ganoon ay may mag-aalaga sa kanya. Ipinangako din nito sa sarili na kapag siya ay nakapag-asawa ay titigil na ito sa kanyang mga bisyo.

Nakapag-asawa nga ang maharlika ng isang mabait at masipag na dalaga, si Dama. Hindi tulad ng asawa, si Dama ay hindi ipinanganak sa mga maharlikang magulang sa halip siya ay pangkaraniwang tao lamang kaya’t sanay siya sa hirap at sa mga gawaing bahay. Mahal na mahal ni Dama ang kanyang asawa kaya’t pinagsisilbihan niya ito sa abot ng kanyang makakaya. Tinupad din naman ng maharlika ang pangakong tatalikuran na nito ang kanyang mga bisyo.

Maayos ang pagsasama ng dalawa nang isang araw, dumalaw ang mga kaibigan ng maharlika. Niyaya ng mga kaibigan ang maharlika na makipag-inuman, magsugal at mambabae tulad ng dati. Pinagbigyan niya ang anyaya ng mga kaibigan. Minsan-minsan lang naman daw ito sabi niya kay Dama.

Ngunit naging madalas ang paglabas ng maharlika kasama ang mga kaibigan at kung umuuwi ito ay disoras na ng gabi at lasing. Kawawa ang asawa niyang si Dama na naiiwan sa bahay at kadalasan ay umiiyak na inaantay ang pag-uwi ng maharlika.

Minsan, dahil sa tagal ng pag-aantay na umuwi ang asawa ay napadasal ito na sana ay bigyan siya ni bathala ng kakaibang ganda upang ang kanyang asawa ay hindi na kailan pa man aalis sa kanyang tabi. Nakatulog na itong nag-aantay na dumating ang asawa.

Madaling araw na ng umuwi ang maharlika. Inaasahan nito na sasalubungin siya ng asawa tulad ng nakaugalian. Ngunit walang Damang may hawak na kape ang nag-aantay sa kanya. Tinawag nito ang pangalan ng asawa ngunit walang sumagot. Pinuntahan niya sa kanilang silid ang asawa ngunit wala din si Dama dito. Nagtaka ang maharlika kung saan naroon ang asawa. Hindi ugali ni Dama na lumabas ng bahay ng hindi nagpapaalam sa kanya at lalong hindi sa ganoong disoras ng gabi.

Lalabas na sana ito upang hanapin ang asawa ng may maamoy itong mahalimuyak na bango. Hinanap nito ang nakakahalinang amoy na nangagaling sa bintana sa kanilang silid at nakita nito ang isang halamang may puting bulaklak. Noon lamang niya nakita ang bulaklak ngunit noong sandali ding iyon ay alam niyang ito ang kanyang nawawalang asawa na si Dama. Nagsisi ang maharlika kung bakit niya iniwan ang asawa ngunit huli na ang lahat; ang kanyang mabait na asawa ay ganap ng isang halaman.

Simula noon, tuwing gabi ay humahalimuyak ang bango ng bulaklak upang hindi siya iwan ng asawa at hindi na nga umalis sa tabi ni Dama ang asawa.
Previous
Next Post »