Print Friendly and PDF

Alamat ng Damo o Talahib

Alamat ng Damo o Talahib  
ni Daniel Andrei Romeo Garcia

Noong unang panahon, noong bata pa si Araw at noong mga panahong si Bathala mismo ay yumayapak pa sa mundo ng mga mortal, ang tao ay sadyang pagala gala lamang. Kasama ang kanyang kabiyak nilibot nila ang kalupaan upang pumitas ng mga prutas at mga gulay para sa kanilang kakainin. 

Hindi pa marunong ang taong maggulay o magtrabaho, ngunit ito ay sadyang ayos lamang sapagkat malawak ang mundo at ang mga halaman at puno ay likas na lumalaki at namumunga ng kusa. 

Maraming taon ang lumipas at maraming pagbabagong nangyari. Nagkaron ng sitio na kung saan ang lupon ng mga tao ay nagsama-sama. Ngunit ang mundo ay hindi lumalaki. Pilit man niyang sustenahan ang tao sa pamamagitan ng kanyang dibdib, ang lupa, hindi pa rin natuto ang taong lumikha at gumawa para sa kanyang sarili. Kinukuha pa rin niya ang ano mang kailangan niya ng walang pagiimbot o pagiisip. 

Napagod ang mga puno at mga gulayin sa patuloy na paghango ng tao sa kanilang mga inaalay. Dahil dito, nakiusap sila kay Bathala na makialam at turuan ang tao na gumawa ng kanyang sarili.

Nakinig si Bathala sa mga panawagan ng mga puno at halaman at minarapat niyang makihalubilo sa mga tao upang turuan silang magsaka, magtanim at magtrabaho para sa kanilang kakainin. Nung una ay nahirapan siya sapagkat matigas ang ulo ng tao. Ngunit nung maipakita ni Bathala na maaaring pumili ng itatanim at hahanguin na prutas at gulay ang mga tao, naenganyo na rin ang mga itong magtrabaho sa lupa. 

Mula noon ay natuto rin silang magsama-sama at magtulungan sa pagtatanim. Sa tamang panahon ay minarapat rin nilang makiusap kay Hangin na dalhin ang kanyang kapatid na si Ulan upang madiligan ang kanilang mga patanim. Ginawa nila ito sa pamamagitan ng pagsasayaw at pagkanta. 

Batid nila na kung hindi dahil kay Hangin, ay marahil hindi rin darating si Ulan. Kaya’t ang mga panahon na kung saan wala si Ulan at Hangin ay siya naming tinawag nilang Tag-Araw. 

Ngunit sa paligid ng mga tao sa sitio ay mayroong gumagapang na karimlan. Isa itong masamang ispiritu na nakikinig at nagmamatyag sa bawat kilos ng tao habang tangan tangan ang mariing pagka-inggit. Isa siya sa mga sinumpa ng mga Anito at mga Diwata. 

Ang pangalan niya ay Batugan. 

Sobra sobra ang pagka-inggit ni Batugan sa mga tao habang pinapanood niya ang mga itong nagsasaya sa paghango ng kanilang mga itinanim. Gusto rin kasi niyang makatikim ng mga makukulay at malinamnam na prutas at gulay. Hindi niya matitikman ang mga prutas na iyon dahil isinumpa siyang gumala sa mundo ng walang katawan. 

Dahil sa matinding inggit ay namuhi siya sa mga tao at ninais niyang magdusa ang mga ito. Pinag-isipan niyang mabuti kung paano magdurusa ang kanyang mga kinaiingitan sa loob ng maramating taon. Naghintay siya hanggang sa dumating ang tamang pagkakataon. 

Isang araw ay nakita niya sina Damo at Talahib sa isang baryo. Napagtanto niya na ang 2 lalaking ito na nga ang kailangan niya upang maisakatuparan ang maitim na balak. Sina Damo at Talahib ang pinakatamad sa kanilang baryo. Ninanakawan nila ang mga kabaryo nilang nagsusumikap at nagpapakahirap sa pagtratrabaho sa lupa. Napipilit lamang silang tumulong ng kanilang mga kabaryo pagkatapos ng napakahabang pagrereklamo nila. Hindi daw sila dapat magtrabaho dahil sila ang pinakamahinang mga lalaki sa kanilang baryo at parating sumasakit ang kanilang mga katawan, samantalang ang katotohanan ay inuubos lamang nila ang kanilang oras at lakas sa paglalaro at paggawa ng kalokohan. 

Nakita ni Batugan ang mga katangiang ito kaya’t nagpasya siyang isakatuparan ang masamang hangarin sa pamamagitan ng dalawa. 

Habang naglalaro sina Damo at Talahib ay lumapit si Batugan at binulong sa dalawa ang masamang plano niya. 

Sinabi niya na kapag ninakaw nila ang lahat ng mga pagkain sa bodega ay hindi na nila kailanmang magtitiis sa pagkukutya ng mga kasama sapagkat sila na ang magtataglay ng lahat ng pagkain at dahil dito’y sila ang mamumuno. Batid natin na ang plano na ito ay hindi gaanong pinagisipan ni Batugan o ng dalawang itlog na si Damo at Talahib. Pero maaalala natin na sila’y mga taong may sobrang simpleng pagiisip. 

Dahil sa kanilang kamangmangan, pilit na pinagplano nina Damo at Talahib ang kanilang balakin. Hinantay nila hanggat sa mapagod ang mga kalalakihan at matulog ang mga ito. Saka sila gumapang at pumasok ng marahan pagkatapos ay nilamon ang pagkadami daming mga prutas at gulay. Pagkatapos nito ay kumuha sila ng mga dahon ng saging upang gawing lalagyanan ng kanilang mga ninakaw. Gamit ito, dinala nila ang natitirang mga prutas at gulay sa kanilang kubo at sa ilalim ay itinago. 

Tuwang tuwa ang dalawa at kapwa nagbolahan pa sa kanilang mga sarili kung gaano sila kagagaling at katalino. Pinagusapan din nila kung paano nila pamumunuan ang kanilang mga kinamumuhiang mga kasama. Ngunit biglang dumating si Kulog kasama ang kanyang kapatid na si Kidlat hatid ng malakas na pagsabog. 

Krakaatoooomm!!! 

“Damo at Talahib, dumating kami dito upang ihatid ang mensahe ng aming panginoong si Bathala.” sigaw ni Kulog na sa sobrang lakas ay nagising ang ibang mga kalalakihan sa kanilang sitio. Si Kidlat naman ay may hawak na sibat na gawa sa kumikinang na pilak na nagtataglay ng malakas at nakabubulag na ilaw ay tumango sa kanyang kapatid. 

“Napagbadyaan ni Bathala, na kayo ay hindi na karapat-dapat pang maging mga tao dahil sa inyong pagnanakaw at pakikisama kay Batugan. Ang katamaran ninyo ay makasisira sa mga tao lalong lalo na kapag kayo ay gagayahin. Pinagisipan niyong magnakaw sa mga taong naghihirap at naghahanap buhay para lamang punuin ang inyong mga tiyan at sariling kaban bagkus ay hindi inyo ang ilalagay ninyo dito.” 

Hinampas ni Kidlat ang kanyang naglalagablab na sibat sa lupa at yumanig ang lupa sa alingawngaw ng pagsabog. Si kulog naman ay muling sumigaw ng mas malakas. 

“Mula ngayon hanggang sa magpakailanman, kayo Damo at Talahib, ay mapapako sa lupang ayaw ninyong taniman at kailanma’y hindi na kayo maglalakad rito bilang mga tao.” 

“Bilang mga halaman, kayo’y hindi mamumunga o magtataglay ng kahit anong mga prutas o gulay.” 

“Kayo ay tatabasin ng mga masisipag na lalaki sa pamamagitan ng kanilang mga bolo o kawit upang linisin ang kanilang mga kabukiran.”  

“Titiisin ninyo ang lahat ng ito hanggang sa dulo ng panahon, sapagkat kayo’y paulit ulit na lalago sa lahat ng lupa sa mundong ito. Sa pagtubo ninyo, ay patuloy din kayong tatabasin ng mga tao.”  

“Kayo’y kakainin ng mga hayop at yayapakan ng lahat ng bagay na naglalakad dito sa mundong ito .”  

“Sa lakas ng kapangyarihan ni Bathala, kami si Kulog at si Kidlat, ay sinusumpa kayo magpakailanman!”   

Pagkatapos nito’y isinigaw ni Kulog ang kanyang pinakamarahas na sigaw at hinampas naman ni Kidlat ng buo niyang lakas ang sibat sa lupa na siyang nagdulot ng pagkaliwaliwanag na ilaw na bumalot sa dalawa.  

Matapos ito, ang natira lamang ay katahimikan at karimlan. Lumingon ang mga kalalakihan at pilit hinanap ang dalawa ngunit wala silang makitang kahit ano. Bumalik sa kanilang mga tahanan upang matulog muli.  

Ng muling manumbalik si Araw at nagkalat ng liwanag sa mundo ng mga tao, nagtipon tipon ang mga tao upang subukang hanapin muli si Damo at Talahib. Kanilang sinuyod ang lahat ng bahagi ng kanilang sitio ngunit sadyang hindi nila Makita ang dalawa. Sa paghupa ng kaguluhan, may isang batang lalaking bumalik sa lugar na kung saan huling nakita ang dalawa. Siya’y nagulat ng makakita ng dalawang maliit na halaman na hindi pa niya nakita sa kanilang lugar.  

Sapagkat siya’y tunay ngang mapanuri, lumapit siya upang pagmasdan ang mga maliliit na halaman. Inamoy niya ito at nahusgahang hindi kasing bango ng mga bulaklak.  

“Hindi kayo mabango, hindi kayo maganda, pagkaliit liit ninyo na sa palagay ko ay hindi kayo mamumunga ng kahit ano. Wala kayong silbi.”   sabi ng bata sa dalawa. Binunot ng bata ang dalawang halaman at itinapon malapit sa isang kambing. Nakita ito ng hayop at siya namang isinubo at nginuya ng nginuya.  

Mula noon, tuwing bumabalik si Ulan upang diligan ang kabukiran ng mga tao, ang mga taong masisipag ay tinatabas sina Damo at Talahib sa pamamagitan ng kanilang mga bolo at kawit.
Previous
Next Post »