Print Friendly and PDF

Alamat ng Gansa Paano Humaba ang Leeg ng Gansa?

Alamat ng Gansa Paano Humaba ang Leeg ng Gansa?

Ang mga gansa ay may hawig sa ng mga pato ngunit sila ay may mahahabang mga leeg. Subalit noon ang mga gansa ay kahawig na kahawig ng mga pato. Ang kanilang mga leeg ay maliliit din. Ito ang kuwento kung paano nakuha ng gansa ang kaniyang mahabang leeg.

May isang gansa ang bagong kasal. Ang dalawang mag-asawa ay nagpasya na itayo ang kanilang pugad sa malapit sa ilog upang sa gayon, paglabas ng kanilang mga bibe ay maturuan agad ang mga ito na lumangoy. 

Masayang-masaya sa napiling lugar ang mag-asawa. Tago ito upang hindi agad mahanap ng mga maaaring kumain ng kanilang itlog. Isa pa, ,ababait ang kanilang mga kapit-bahay. Agad na nakahanap ang lalaking gansa ng kaibigan. Ito ay ang isa pang lalaking gansa, isang pato at isang maingay na palaka. Tuwing gabi sila ay nagsasama-sama upang mag-usap usap tungkol sa nangyayari sa paligid hanggang sa mag-sawa ang lahat at wala nang maikwento. 

Minsan, nang magkita ang magbabarkada, masayang ikunuwento ng lalaking gansa na nangitlog na nga ang kanyang asawa at ano mang araw malapit na rin siyang maging tatay. Binati nila ang kaibigan at sinabi sa kanya na mababawasan na kung gayon ang kanyang paglabas-labas sa gabi. Siyempre, ani nila, kinakailangan niyang tulunganng bantayan ang kanilang mga itlog. Ngayon lang naisip ng lalaking gansa na kinakailangan nga rin naman niyang bantayan ang mga itlog. Umuwi siya na iyon pa rin ang nasa isipan. 

Isang gabi, nakita ng lalaking gansa ang kanyang asawa na pagod at inaantok na. Buong maghapon itong nakaupo at nakalimlim sa mga itlog upang masigurong naiinitan ang mga ito ng pantay-pantay. Naawa ng lalaki at sinabi sa asawa na pwede na itong mag-pahinga ngayong gabi. Siya daw muna ang bahalang mag-babantay at maglilimlim sa mga itlog. Natutuwang pumayag ang babae. Dali-daling tumayo ang babae mula sa pugad. Maganda daw ang naisip ng asawa at namamanhid na ang kanyang puwetan. 

Naupo na nga ang lalaking gansa at nang unang oras ay masaya pang naglilimlim sa kanilang pugad. Ngunit bigla siyang may narinig mga boses na kilalang-kilala niya. Iyon nga ang boses ng kanyang mga kaibigan na malakas na nagkukuwentuhan at nagtatawanan. Biglang naiingit ang lalaking gansa. Naisip niya na sana ay kasama siya dun na nakikipagkuwentuhan 

Ninais nitong makisalamuha o kahit man lang ay marinig ang mga pinagkukuwentuhan ng mga kaibigan. Muntik na itong napatayo mula sa pugad ngunit naalala niya ang mga itlog. Kung kaya’t iniunat na lamang nito ang kanyang munting leeg upang makita ang barkada. Dahil sa mataas ang talahib kung saan natago ang pugad, hindi pa rin niya nagawang makita ang mga maiingay na nagkukuwentuhan.   

Hindi pa rin sumuko ang lalaking gansa. Iniunat niya ng iniunat ang kanyang munting leeg hanggang sa nakita niya ang ulo ng mga kaibigan. Subalit tapos ng mag-usap ang mga ito at papauwi na sa kanilang mga bahay. Pilit niyang binaba ang kanyang ulo subalit napansin nitong hindi na maibalik sa dati ang anyo ng kanyang leeg.   

Kinaumagahan ng bumalik ang babaeng gansa upang humalili sa asawa, nakita niya ang munting leeg ng asawa na humaba sa kaka-unat nito upang makinig sa usapan ng kanyang mga kaibigan. Simula noon ay naging mahaba na ang leeg ng mga gansa.  
Previous
Next Post »