Print Friendly and PDF

Alamat Ng Ibong Bahaw

Alamat Ng Ibong Bahaw

Sa isang malayong nayon, ay may nakatirang mag-inang sina Maria at Juan. Ilang buwan pa lamang na kasisilang ni Juan ay namatay na ang kanyang ama. Napataw sa balikat ni Aling Maria ang mabigat na tungkulin ng isang ama at ng isang ina. Gayunman ay nagsumikap siyang maibigay kay Juan ang buo niyang pagtingin at pagmamahal.

Palibhasa'y nasusunod nga ni Juan ang layaw sa kanyang ina ay lumaki siyang tumbalik sa hangad ng kanyang ina. Sa halip na maging isang masunurin at mabait na bata ay lagi siya sa pasyalan. Bata pa siya'y lagi nang gabi kung umuwi sa bahay. Natuto siyang magsugal at makihalo sa masamang barkada kaya nahulog ang ugali ni Juan sa masasamang hilig. Hindi man lamang siya tumutulong kay Aling Maria.

Lagi siyang kinagagalitan, ngunit palibhasa'y suko yata sa langit ang pagmamahal ng ina sa anak, wala siyang nagawa. Lumaking may masamang ugali si Juan hanggang sa magbinata.

Isang gabi'y umuwi si Juan na gutom na gutom. Tuluy-tuloy siya sa kusina at naghanap ng pagkain. Dali-dali niyang binuklat ang lalagyan ng pagkain. Nakita niyang may tira sa kanyang kapirasong isda at bahaw na kanin. Nagalit siya sa ina Malakas na sumigaw, "Inay... Inay..."

Ang inang napagod sa maghapong paglalaba ay nahihimbing na. Naulinigan niya ang tawag ni Juan. Dali-dali siyang napabalikwas at patakbong lumabas sa silid. Nakita niya si Juan sa kusina.

"Ano ba namang pagkain ito, Inay?" malakas na usisa ni Juan. "Hindi naba ako kakain ng hindi bahaw?"

"Magpasiyensiya ka na anak," marahang sagot ng ina. "Hindi nga ako agad natulog at hinihintay kita. Marahil ay napagod akong masyado kaya nakalimot din ako!"

"Hindi na kayo nakatanda!" mabalasik na singhal sa kawawang ina. Inihagis niya ang taklob ng palayok na kanyang tangan sa galit.

Nabasag ito at lumikha ng malakas na kalampag.

"Anak, nagtiis ako sa iyong sama at pagkukulang. Ibig kong ikaw ay maging mabuting anak kaya sinunod kong lahat ang iyong mapita.

Ngunit ito na ang sukdulan. Iyan ba ang igaganti mo sa akin?" bigkas ni Aling Maria samantalang tumutulo ang luha.

"Marami pa kayong sinasabi," muling bulyaw ni Juan sa kanyang ina.

"Sa iyong ginawa, sana'y ipahintulot ng Diyos na ikaw ay maging isang pangit na ibong tuwing gabi lamang gagala at laging sisigaw ng bahaw," sumpa ng ina.

Biglang tumalab ang sumpa at pagkawika noo'y unti-unting nagbago ang anyo ni Juan. Nagkaroon siya ng balahibo. Nagingpakpak ang kanyang mga kamay. Ibinuka niya ang kanyang bibig na naging tuka at nagsalita siya upang humingi ng tawad. Ngunit walang namutawi kundi ang salitang bahaw. Lumipad siya sa bintana. Matamang tinitigan ang kanyang nakahandusay na ina at muling nagsalita, "Bahawww.. .bahawww." Ikinampay ang malalapad na pakpak at nawala sa dilim ng gabi.
Previous
Next Post »