Print Friendly and PDF

Alamat ng Kainta

Alamat ng Kainta

Ang Kainta ay isang bayan sa lalawigan ng Rizal. Noong unang panahon, dito ay may isang babae na kilalang-kilala dahil sa kanyang magagandang katangian. Bukod sa angkin niyang kagandahan, siya rin ay mayaman, mabait at mapagkawanggawa. Siya ay si Jacinta.

Ang pagtulong sa kapwa ay naging ugali na ni Jacinta. Bawa't pulubing lumapit sa kanya'y kanyang nililimusan at madalas ay iniimbitahan niya ang mga mahihirap na bata na makigpaglaro sa kanya at sa kanyang mga laruan. Hanggang sa paglaki ay dala ni Jacinta ang katangian niyang ito.

Si Jacinta ay madadasalin din. Tuwing araw ng Linggo, siya ay nagsisimba at pagkatapos makinig ng misa ay namumudmod siya ng mga laruan, damit at pera sa hanay ng mga pulubi. Sa kabila ng kabaitang ito ni Jacinta siya ay di nagkaroon ng magandang kapalaran sa pag-ibig. Ang kanyang nobyo at kababata ay nagkasakit at namatay. Magmula noon ay wala nang pag-ibig na kumatok sa kanyang puso kaya't siya ay tumandang dalaga. Nang mamatay ang kanyang mga magulang ginugol niya ang kanyang panahon sa pagtulong sa mga nangangailangan.

Napamahal ng husto ni Jacinta sa kaniyang mga kababayan. At bilang paggalang sa kanya, siya ay tinatawag ng mga tao sa pangalang Ka Inta na ang kahulugan ay "kaligtasan ng mga nangangailangan."

Nakaugalian na ng mga tao na dalawin si Ka Inta kung araw ng Pasko, kakatok sila sa pintuan at sila'y masayang patutuluyin ni Ka Inta. Sa kanilang pagtataka, walang sumasagot sa kanilang pagkatok. Dati-rati'y sumisilip agad sa bintana si Ka Inta. Umakyat ang mga tao sa kabahayan at laking gulat nila nang makita si Ka Inta na nakahandusay sa sahig at wala ng buhay. Nalungkot at nag-iyakan ang mga tao sa sinapit ng kanilang idolo. Sa paligid ng bahay ay naroroon pa ang mga nakabalot na aginaldo para sa kanila.

Ang kamatayan ni Ka Inta ay mabilis na kumalat na parang apoy. Ipinagdasal nila ang katahimikan ni Ka Inta. At bilang pagkilala sa kadakilaan ni Jacinta, ang kanilang lugar ay pinangalanan nilang Kainta.
Previous
Next Post »