Print Friendly and PDF

Talambuhay ni Edilberto Evangelista

Talambuhay ni Edilberto Evangelista


Edilberto EvangelistaBukod sa paghahandog ng katalinuhan inialay din ni Edilberto Evangelista ang buhay upang mapalaya ang Pilipinas sa oras ng pakikipagdigmaan.


Si Edilberto ay ipinanganak noong Pebrero 24, 1862 sa Sta. Cruz, Maynila. Anak siya ni Agaton Evangelista na isang panday at ni Faustlna Toribio, maybahay.


Una siyang nag-aral sa isang pribadong eskwelahang pag-aari ng kaniyang tiyuhin. Tinapos niya ang edukasyong sekundarya sa Letran kung saan ipinagkaloob sa kaniya ang medalya ng karangalan sa matematika. Sa nasabi ring institusyon, tinapos niya ang kaniyang Bachelor of Arts noong 1878.


Ang katalinuhan sa matematika ay ginamit ni Edilberto upang kumita ng pera. Binabayaran siya ng mayayamang pamilya maturuan lamang sa matematika ang mga anak nila.


Abenturero si Edilberto kaya iba't ibang lugar ang napuntahan niya. Namimili siya ng mga dahon ng tabako sa Cebu at ipinagbibili sa Maynila. Minsan sa pagbebenta niya ng tabako ay nakilala niya ang mamamakyaw na Manilenyong si Domingo Franco. Pinautang siya nito ng malaking kapital upang mapalawak ang negosyo. Hindi lamang negosyo ang napag-uusapan nila. Lagi at laging nauuwi sa pulitika ang isyu ng kanilang talakayan. Sentro sa usapan ang kawalang katarungan ng pamahalaan.


Sapagkat hindi sapat ang talinong nakuha, nagpunta siya sa Madrid upang ang kasanayan ay palawakin pa. Nakasalamuha niya doon ang maraming Pilipinong repormista. Si Jose Rizal mismo ang nagpayong sa kilalang University of Ghent siya mag-aral ng inhinyerya. Sinunod niya ang nobelista. Sapagkat may angking talino, ang pagsisikap ni Edilberto ay ginantimpalaan nang matapos niya ang inhinyerya at arkitektura na may pinakamataas na karangalan.


Matapos tanggapin ang diploma ay inulan siya ng pakiusap na magtrabaho sa iba't ibang kumpanyang pandaigdig. Walang alok na tinanggap si Edilberto. Binuo niya ang kaniyang pasiyang uuwi siya sa Pilipinas.


Ang pagbalik niya sa bansang sinilangan ay lubhang mapanganib. Sa pagdadala ng dalawang nobela ni Jose Rizal, ipinakulong ng mga awtoridad si Edilberto sa Bilibid Prison. Sa matapang at malinaw na pagpapaliwanag ay nakalaya ang inhinyero.


Nang madamang higit na umiigting ang damdaming makabayan ng mga Pilipino, hinanap niya ang pulungan ni Heneral Emilio Aguinaldo. Hinuli siya ng mga kapanalig ng Heneral sa pag-aakalang espiya siya ng mga Kastila. Nang nakaharap at lubos na nakilala ng Heneral ang inhinyero ay tuwang-tuwa ito. Nang masuri ng mga katipunero na kapanalig nila sa layunin si Edilberto ay tinanggap kaagad ito bilang rebolusyonaryo at pinangalanang Ipil.


Sa kaalamang natutuhan inatasan si Ipil na manungkulan bilang Direktor Heneral ng Engineering Corps. Ang mga modernong trenches na itinayo niya sa Binakayan, Dalahican at Noveleta ay matitibay at hindi maguguho ninuman. Ang mga trenches na itinindig naman niya sa Aromahan, Zapote at Cavite Viejo ay nagbibigay takot sa mga sundalong dayuhan na may mahina-hinang kalooban.


Nakita ni Heneral Aguinaldo ang tapang ni Edilberto sa maraming beses na paglusob ng mga dayuhang sundalo. Lagi at laging kalmado lang ang inhinyero sa pakikitunggali. Sa maraming pinagwagiang laban, saludo ang mga tauhan sa kanilang Tinyente Heneral na di lamang mahusay na inhinyero, ma-estratehiyang heneral pa.


Subalit ang digmaan ay digmaan. Kahit ikaw pa ang pinakamahusay na manunudla ay hindi ka nakasisiguro sa iyong pinasok na larangan.


Sa isa sa pinakamadugong labanan sa Zapote Bridge noong Pebrero 17, 1897 ay walang takot na nakipagsabayan ng mga putok si Edilberto sa tropa-tropang gwardia civil na nagsisalakay. Sa nabanggit na labanan tinamaan ng isang ligaw na bala ang noo ng inhinyero na nagpasabog sa kaniyang utak. Ang pagkamatay ni Edilberto ay iniluha ng maraming rebolusyonaryo.


Para sa mga Pilipino, ang talino at buhay na inialay sa ngalan ng kalayaan ay tunay na kabayanihang dapat na ipagparangalan.

Previous
Next Post »