Print Friendly and PDF

Alamat ng Maalat na Dagat

Alamat ng Maalat na Dagat

Noong unang panahon ang mga tao sa silangan ay nagpupunta pa sa kanluran upang makipagpalitan ng kalakal. Ang mga katutubo sa silangan ay maraming asukal na naimbak. Ito ang ipinamamalit nila upang makakuha naman ng asin. Sapagkat higit na nangangailangan ng asin ang silangan, ang mga katutubo na ang nagpupunta sa kabilang ibayo ng dagat. Ang problemang pagpunta sa kabilang dagat ay iniinda ng mga katutubo. May nakapagpayong dapat magpatulong na sila kay Ang-ngalo upang mabawasan ang kanilang kapaguran.

Isang higante si Ang-ngalo. Nakikita ang mga binti niya kapag nahiga at inilatag ang buong katawan sa karagatan. Kapag tumayo naman ay tuhod lang niya ang pinakamatarik na bundok na lapitan niya. Pero kahit isang dambuhalang higante, mabait at matulungin siya.

Napapayag ng mga tao na ilatag ni Ang-ngalo ang mga binti sa karagatan. Nanulay sa mga binti ng higante ang mga katutubo upang ihatid ang saku-sakong asukal bilang pamalit ng saku-sako ring asin na kinakailangan.

"O hayan, tumulay na kayo! Sisikapin kong hindi igalaw ang mga binti ko nang makatulay kayong paroon at parito."

Karga sa likod ang mga sako ng asukal, isa-isang tinalunton ng mga katutubo ang mga binti ni Ang-ngalo. Maingat na maingat sila. Takot silang madulas at malunod sa gitna ng dagat. Matagal-tagal din ang paglalakbay nila. Naibaba nila ang asukal sa ibayong dagat pero hindi namalayan ng lahat na may ilang sakong nabutas kaya nabudburan ng asukal ang ilang bahagi ng binti ng higante.

Totoo ang kasabihang kung saan naroon ang asukal, tiyak na patungo doon ang langgam.

Sa pagbalik ng mga katutubo ay masasaya na nilang dala-dala ang inangkat na mga sako ng asin. Kahit pawisan ay natutuwa sila sapagkat makababalik ang bawat isa dala-dala ang produktong labis na kinakailangan sa kabuhayan.

Hindi napansin ng lahat na sa pag-akyat nila sa binti ni Ang-ngalo ay kasabay nila ang mapupulang langgam na nakaamoy ng matamis na asukal. Kung maraming katutubo ang nanunulay na pasan-pasan ang mga asin ay marami ring langgam ang gumagapang at handang kumagat sa sinumang mabalingan.

Sapagkat lubos na sensitibo ang balat ng higanteng maramdamin, napasigaw ito na ikinagimbal ng mga tao.

"Ma...may mga langgam na kumakagat sa binti ko. Magkapit-kapit kayo!"

Nang hindi na matiis ang pangangagat ng mga langgam sa binting may katamisan ay iginalaw ni Ang-ngalo ang mga paa na ikinahulog ng libu-libong katutubo kasama ng libu-libo ring sako ng asin.

Bagamat nailigtas ni Ang-ngalo ang mga katutubo ay lumubog lahat ng asin sa ilalim ng karagatan.

Iyan ang dahilan kaya umalat na ang dagat magmula noon.

Ito ang alamat na pinagmulan ng kaalatan ng karagatan.
Previous
Next Post »