Print Friendly and PDF

Alamat ng Makopa - Second Version

Alamat ng Makopa - Second Version

Sa isang maliit na komunidad sa Ilocos ay may munting batingaw na ipinagmamalaki ang mga mamamayan sa Pulang Lupa. Ang nasabing batingaw na nagniningning sa tama ng sikat ng araw ay pinaniniwalaang handog ng mga anito. Sa mga buwan ng pagtatanim ng mga tabako may tokang pamilyang nagpapatugtog ng batingaw mula umaga hanggang hapon. Ang tunog ng batingaw ay parang musika sa pandinig ng lahat. Naniniwala ang mga mamamayan na handog ng batingaw ang mayamang ani sa tabakuhan.

Ang inggit na kaakbay ng kasakiman ay naipon sa mga puso ng mga di binyagan sa karatig komunidad. Nainggit sila sa bigkis-bigkis na tabakong inaani sa Pulang Lupa. Ang mayabong na tabako ay may malalabay at sariwang dahon samantalang ang ani nila sa Mataas na Lupa ay sinalanta ng peste.

Nakarating sa kaalaman ng mga di binyagan ang mapaghimalang batingaw. Sa sobrang inggit ay nagplano silang salakayin ang Pulang Lupa.

Hindi nalingid sa mga binyagan ang masamang plano.

Ipinag-utos ng mga nakatatanda sa isang grupo ng kabataang lalaki ang pagpapatago sa batingaw. Sa pag-aalalang baka makita kung itatago lang sa kani-kanilang bahay, napagkasunduang ibaon sa kagubatan ang batingaw. Sapagka't napakadilim ng gabi, hindi na tinandaan ng nagsipaghukay kung saang lugar sa kagubatan inilibing ang batingaw.

Tulad ng dapat asahan, galit na sumalakay ang mga di-binyagan. Sapilitan nilang kinuha ang mga aning tabako at parang mga mandarambong na pinagnakawan ang mga binyagan. Ang sinumang tumindig at umalma ay pinarurusahan. Sapagka't may dignidad na pinangangalagaan, maraming binyagan ang nakipaglaban. Ngipin sa ngipin ang tunggalian, gulok laban sa kris ang nagpingkian.

Sa dahilang walang itutumbas na yaman sa batingaw bagama't maraming uwing kayamanan ang mga di-binyagan, malungkot pa rin sila sapagkat hindi man lang nila nasilayan ang batingaw.

Lumipas ang maraming taon. Naging isang alaala na lang sa mga binyagan ang mapaghimalang batingaw. Walang sinumang makapagturo kung saan ito nabaon sa kagubatan.

May isang pagkakataong nangangahoy ang isang pulutong ng kadalagahan sa kagubatan nang sila'y mamangha sa kanilang natanaw. May isang punong hitik na hitik sa mapupulang bunga na animo mga hugis kopa ng raha.

"Ang pupula! Ang pupula!"

Nanungkit sila at tumikim.

"Ang tatamis! Ang tatamis!"

Ikinuwento ng kadalagahan ang punong may mga bunga na animo kopa ng raha.

"May kopa sa gubat," sabay-sabay nilang balita.

"Ano? May kopa?"

"Oo, may kopa!"

Naghugusan ang taong bayan sa punong natagpuan ng kadalagahan. Nagbalik sa alaala ng mga mamamayan ang batingaw na ipinatago nila ilang taong na ang nakakaraan.

Hinukay ng kalalakihan ang kinatatamnan ng punong may mga bungang animo kopa.

Di nagkamali ang lahat. Natagpuan nila sa lupa ang batingaw.

Nagdiwang ang lahat. Naibalik nilang muli ang batingaw sa kanilang bayan.

Ipinagdiwang din nila ang puno ng mapupulang bungang animo kopa ang katulad.

Nang patugtugin nila ang batingaw ay bumuhos ang malakas na ulan sa tuyot na lupa ng tabakuhan. Lalong nagalak ang lahat. "May batingaw na tayo. May kopa pa, may kopa pa!" Sapagka't maraming bungang animo kopa ang mahiwagang puno, tinawag nila itong may kopa, may kopa, na naging makopa, makopa.
Previous
Next Post »