Print Friendly and PDF

Alamat Ng Malbarosa

Alamat Ng Malbarosa

Noong araw ay may isang mayaman at matapang na sultang naninirahan sa isang pulo. Bagama't mayaman, hindi siya kinagigiliwan ng mga mamamayan. Siya'y masyadong malupit.

Siya'y may anak na dalagang ang iwing kagandahan ay nakikipagtimpalak sa mga bulaklak. Siya'y si Rosa. Dahil sa taglay na yumi at bait, siya'y pmagbubuhusan ng pagmamahal ng mga sakop ng sultan. Halos hagkan ang kanyang mga yapak.

Si Malbar ay isang binatang kabilang sa mga pinunong naglilingkod sa hukbo ng sultan. Matipuno ang katawan at bilugan ang hugis ng mukha; malago at alun-alon ang maitim na buhok; malapad ang noo; bahagyang singkit ang mga matang kung ititig ay nagsusumamo; matangos ang ilong at ang bibig ay sinliit ng sa binibini.

Sa biglang sabi, si Malbar ay pinakamakisig kundi man siyang pinakamatapang at magiting na lalaki sa buong kaharian. Hindi kataka-takang si Malbar at si Rosa ay maging magkasintahan. Kusa nilang inilihim ang kanilang pag-hbigan sa sultan pagkat batid nilang hindi siya sasang-ayon. Ang gusto ng sultan ay makaisang-dibdib ng prinsesa ang anak ng hari sa karatig balangay upang anya'y kung magkaanib ang dalawang kaharian ay lalo silang magiging makapangyarihan.

Isang gabing kabilugan ng buwan,samantalang ang lahat sa palasyo'y natutulog, nag-ulayaw sina Malbar at Rosa sa loob ng hardin. Sila'y nag-usap tungkol sa mga bagay na mahalaga sa katulad nilang umiibig at muli't muling nagsumpaang ang isa't-isa'y hindi magtataksil sa pangako.

Nasubukan sila ni Matanglawin na siyang pinuno ng hukbo. Si Matanglawin ay malaon na ring nanunuyo sa prinsesa kaya gayon na lamang ang kanyang selos nang masaksihan ang pag-uulayaw ng dalawa.

Kinabukasan isinumbong ng pinuno ng hukbo sa sultan ang kanyang nasaksihan. Galit na galit ang sultan. Noon di'y ipinatawag si Malbar at inusisa kung totoo nga ang sumbong ni Matanglawin. Buong tapang na inamin ng binata ang katotohanan at luloy hiningi sa mahal na sultan ang kamay ni Rosa.

"Nahihibang ka ba?" ang sabi ng sultan. "Ikaw ay isang kukulu-kulo ang tiyan. Bakit mo hihilingin ang kamay ng prinsesang angkan ng dugong mahal?"

"Kagalang-galang na sultan," ang tugon ni Malbar. "Ang pag-ibig po ay hindi inuuri sa katauhan at kayamanan. Ito po'y isang damdaming kusang bumubukal sa pusong hindi maaaring tutulan. Iniibig ko po si Rosa at siya'y umiibig din sa akin. Kung tunay man pong di ako dugong mahal ay may lakas po naming maaaring magtanggol sa kanyang kariktan. Ako'y may pag-iisip na lalalang ng paraan upang siya'y lumigaya!"

"Lapastangan! Walang utang na loob! Hindi mo naiginalang ang maganda kong pakita sa iyo!"

Tinawag ng sultan si Matanglawin at ipinadala si Malbar sa piitan. Tinaningang pagkaraan ng tatlong paglubog at pagsikat ng buwan at papupugutan ng ulo ang binata.

Nang marinig ang maiupit na hatol si Rosa'y nanikluhod sa paanan ng ama at lumuluhang namanhik na huwag papugutan ang minamahal. Hindi siya pinakinggan ng sultan.

Naglamay si Rosa nang gabing yaon. Hinintay na makatulog na ang lahat ng kanyang mga abay at saka dahan-dahang nanaog at nagpunta sapiitangkinalalagyan ng kasuyo. Palibhasa'y sadyang mahal ng guwardiya pinayagan siyang pumasok sa piitan.

Halos mawindang ang puso ng tanod nang marinig ang malungkot na pag-uusap ng magkasintahan at ang paulit-ulit na sumpaan ng katapatan. Lumapit ang tanod sa prinsesa at inialok ang kanyang paglilingkod.

"Tutulungan ko kayong tumakas," anya. "Ngunit kinakailangang ako'y sumama sa inyo pagkat kung ako'y mananatili rito, walang salang babagsak sa akin ang galit ng iyong ama."

Gayon na lamang ang tuwa ng dalawa.

Binuksan ng tanod ang piitan. Nanguna siya sa paglakad ng dalawang magkasuyo. Nang nasa kabila na ng bakod ang kawal, samantalang inaalalayan ni Malbar si Rosa sa pag-akyat sa bakod, siyang pasungaw ni Matangiawin sa kanyang silid-tulugan. Nakita niya sa tulong ng liwanag ng buwan ang tatlong tumatakas. Siya'y tumakbo sa ibaba at pinalo ang gong upang pukawin ang mga kawal.

Nang marinig ni Rosa ang alingawngaw ng gong bigla siyang yumapos kay Malbar.

"Malbar," anya. "Hindi tayo makaliligtas sa pag-uusig ng aking ama. Sa sandaling ito ay mamatamisin ko pang tayo'y kapwa mamatay kaysa magkahiwalay."

Si Rosa'y dumalangin din. "Aming Bathala, gawin mo kaming maliit na halaman nang kami ay makapangubli sa malalaking puno upang huwag matagpuan ng mga kawal!"

Parang himala! Pagkasabi nito'y nagdilim ang langit. Isang kimpal na ulap ang tumakip sa mukha ng buwan. Isang kidlat ang gumuhit sa karimlan.

Dumating ang mga humahabol. Biglang nawala ang dalawa. Sila'y naging palumpong.

Nangangabayong dumating ang sultan. Kanyang iniutos ang masusing pagsasaliksik.

Nakita ng isang kawal ang panyolito ng prinsesa na may titik na Rosa.

May mahiwagang tinig na narinig. "Kami po ang inyong hinahanap. Mabuti pang di hamak ang maging halaman kaysa usigin ng ama dahil sapag-ibig!"

Ang sultan ay nagsisi. Siya'y lumuhod at nagturing, "Malbar, Rosa, patawarin ninyo ako!"

Kinabukasan nagpabando ang sultan sa buong kaharian, "Ang halamang ito ay inyong itanim sa inyong halamanan at tawaging Malbarosa bilang alaala sa magkasintahang tapat sa suyuan!"
Previous
Next Post »