Print Friendly and PDF

Talambuhay ni Galicano Apacible

Talambuhay ni Galicano Apacible


Galicano ApacibleSa pagpapayabong ng kalayaan sa labas ng Pilipinas, nabibingit ang mga buhay ng pamilya ng sinumang propagandista.


Iyan ang naranasan ni Galicano Apacible, isang pangunahing propagandistang Pilipino na naglayong palayain ang Pilipinas sa mapang-aping mga kamay ng mga dayuhan.


Si Galicano o Canoy ay isinilang noong Hunyo 25, 1864 sa Balayan, Batangas. Bunso siya sa tatlong anak nina Vicente Apacible at Catalina Castillo. Ang mga Apacible ay kabilang sa nakakariwasang pamilya sa kanilang lugar. Publiko at pribadong paaralan ang pinasukan ni Galicano sa elementarya. Tinapos naman niya ang sekundarya sa pribadong paaralang pag-aari ni Benedicto Luna. Kumuha siya ng Bachelor of Arts sa Letran at ng Medisina sa UST. Nang makaengkwentro ni Galicano ang isang paring Dominiko ay nagpasiya siyang sa ibang bansa na mag-aral. Tinapos niya ang Lecenciate in Medicine and Surgery sa Unibersidad ng Barcelona at ang Doctorate in Medicine sa Unibersidad Central de Madrid.


Ang mga naobserbahang kawalang hustisya ng mga Espanyol sa Pilipinas ay naging dahilan upang maging gising na propagandista si Canoy. Sa Espanya, naging Presidente siya ng Asociacion Filipino Solidaridad en Barcelona. Isa rin siya sa mga tagapagtatag ng La Solidaridad.


Sa mga libreng oras niya sa panggagamot sa Pransiya, lagi nang kasa-kasama si Canoy nina Jose Rizal, TH Pardo de Tavera at Antonio Luna sa mga mainitang diskusyong pulitikal.


Nang magbalik siya sa Pilipinas ay naghinala ang mga Espanyol sa pagiging miyembro niya ng Masonriya. Upang hindi gaanong mapansin ng mapang-aping Gobernador Heneral, nanilbihan siyang doktor sa Barkong S.S. Zafire na naglalayag sa Maynila at Hongkong.


Nagdesisyon siyang mamalagi sa Hongkong at maging tagapayo ng Alto Consejo de los Revolucionarios at tagapangulo ng Comite Central Filipino. Sa Hongkong, lalong naging aktibo bilang propagandista si Galicano. Mula sa nasabing lugar, ipinadala siya sa Tokyo upang mamili ng mga armas at bala. Ipinadala rin siya sa Amerika noong 1899 bilang delegado ng Pamahalaang Rebolusyonaryo. Sinikap niyang patulong sa mga Amerikano upang maging payapa ang relasyon ng Pilipinas at Espanya. Nang makubkob ni Heneral Funston si Heneral Aguinaldo sa Palanan, Isabela ay binuwag ang Comite. Nagpasiyang umuwi sa Pilipinas si Galicano.


Nang magkahugis ang lipunang Pilipino matapos mapailalim sa kolonyalismo ng Espanya at Amerika, nagdesisyong manggamot sa mga kababayan si Galicano. Nagsilbi siya bilang manggagamot sa San Lazaro Hospital mula 1906 hanggang 1907.


Nanungkulan din siya una, bilang Gobernador at ikalawa bilang kongresista mula 1908 hanggang 1916. Hinirang siyang Kalihim ng Agrikultura mula 1917 hanggang 1922.


Namatay si Galicano noong Marso 22, 1949 kayakap ang kabayanihang matapang niyang inialay bilang propagandistang inuna ang kapakanan ng bansa upang ito ay mapalaya.


Si Galicano Apacible ay tunay na kahanga-hanga!

Previous
Next Post »