Print Friendly and PDF

Ang Paruparo At Ang Bulaklak

Ang Paruparo At Ang Bulaklak

Ang Paruparo At Ang BulaklakMunting paruparo'y pumasok sa hardin
hanap ay bulaklak at manginginain
ang nakita'y isang bukong nakabitin
na wala pang katas na sukat masimsim.

Paruparo'y biglang sa buko'y lumayo
sa kabilang sanga doon ay dumapo
at ang kanyang wikang tila nasiphayo,
"Sa iyo'y... ni walang bagong masasamyo."

Ang bukong-bulaklak ay parang tumugon
"Bakit di mo hintayin ang takdang panahon?
bukas ka magbalik at ang wala ngayon
ay makakamtan mo sa aking yamungmong.

"Ganda, katas, bango, iya'y nasa akin
kung may tiyaga kang sukat puhunanin
ang alin mang bagay na ibig mong kamtin
ay di makukuha sa biglang pagdating.

"Noong ikaw'y uod na wala pang pakpak
ay gumagapang ka't hindi makalakad
ganyan ako ngayon, ano't hinahamak
at di mo hintayin ang pamumukadkad?

"Magtiis ka muna at talagang ganyan
may guhit na takda sa bawa't may buhay;
ang pagkakataon ay di dumaratal
sa sinumang hindi marunong maghintay."

"Tandaan mo sana: bukas pagbalik mo
ay magsasawa ka sa katas ko't bango
mag-ingat ka lamang, munting paruparo,
sa mga palalo'y may tinik din ako."

Munting paruparo'y parang napahiya,
sa pagkakadapo'y lumipad na bigla,
ang tanging nasabi'y "Ikaw ang bahala:
nguni't ang katas mo'y... datnan ko pa kaya?"

Anœ sagot ng buko'y "Maaga ka lamang
at baka sakaling ikaw'y maunahan,
sa balat ng lupa ay talagang ganyan:
ang tamad gumising ay napag-iiwan."
Previous
Next Post »