Print Friendly and PDF

Bansang Pilipinas

Bansang Pilipinas

Bansang PilipinasIyong makikita ang gintong silahis
Sa dakong silangan ng ating daigdig,
Hindi nalalasap ang hapdi ng hibik,
Iyang kalungkutan pilit mawawaglit,
Pag iyong namalas ang kaakit-akit
Na tanawing anong ganda't pagkarikit!
Iyan ang bansa ko -
Bansang Pilipinas!

Damhin mo ang dampi ng hanging amihan
May hatid na awit ng kaligayahan;
Masdan mo ang dagat, malawak at bughaw
Maginto't maperlas di mapapantayan;
Tingnan ang kay-ganda niyang kaparangan
Nagbibigay-sigla sa pusong may panglaw.
Iyan ang bansa ko -
Bansang Pilipinas!

Dinggin mo ang galak ng kristal na batis
Na lumuluhod na sa lungkot at hapis,
Iyo ring pakinggan ibong umaawit
Do'n sa papawiring malaya ang tinig;

Lupang maligaya't lupang matahimik
Walang makatulad sa silong ng langit!
Iyan ang bansa ko -
Bansang Pilipinas!

Ang bayan ko'y bayan ng mga awitin
Matamis pakinggan at napakalambing;
Tulad ng kundiman na nakaaliw,
Maglalahong tunay ang mga panimdim
Pag iyong namasdan; Pandanggo't tinikling
Magbibigay sinag sa pusong hilahil.
Iyan ang bansa ko -
Bansang Pilipinas!

Ito ay lupang maganda't mayaman
Sa mga tanawin niyang kalikasan;
Taong masipag ang nananahanan
Di takot masunog sa sikat ng araw;
Handa ring gumawa kahit umuulan
Nang taos sa puso't laging nasa dibdib.
Iyan ang bansa ko -
Bansang Pilipinas!
Previous
Next Post »