Print Friendly and PDF

Buhay Dagat

Buhay Dagat

Buhay DagatGaod, gaod, gaod... iyong hinahamak
Ang lamig sa laot, ang sigwa, ang puyat;
Sa dulo ng hapin, sa lundo ng gayad,
May buhay ang lahi na galing sa dagat.

Sagwan, sagwan, sagwan... di ka napapagod
Sa hampas ng alon at sigwa sa laot;
Sa tiyan ng dagat di ka natatakot
Sa naggalang bangis na nasa palibot!

Lipakin mong palad na hiyas ng buhay
Ay di humihipo sa gawang mahalay;
Matipunong bisig na sunog sa araw
Ay sangkap ng lahi sa kasaganaan.

Sisid, sisid, sisid... paglitaw ng palad,
May kimkim kang yamang sa kabibe buhat;
Sa luma mong bangkang may tagping layag,
Kaygandang malasin ng buhay sa hirap!

Tulak, tulak, tulak... sa tikin mong tangan
Ang paraw sa wawa ay namamaalam
May banta ang unos! Ngunit kailangang
Magdala ng ani sa ibang daungan.

Sa tuwing dadaong ang bangka mong luma,
Sa dalampasiga'y may dalang biyaya;
Bayani ng dagat; isa kang bathala
Sa sipag, sa tapang, sa sigla at nasa!

Sagwan, sagwan, sagwan... sa iyo ang buhay
Ay isang lakbayin na walang hantungan;
Lipi'y dumarating, lipi'y napaparam,
Datnan at iwan kang nasa karagatan.
Previous
Next Post »