Print Friendly and PDF

Alamat ng Ipis, Langaw at Lamok

Alamat ng Ipis, Langaw at Lamok

Balita sa kabaitan at pagiging matulungin ni Donya Segundina kaya tahanan nito ay laging bukas para sa lahat.

Isang araw, may estrangherong dumating at sa kanya ay nagwika ng ganito:

"Iiwan ko sa iyo ang mga batang ito. Sila ay hindi ko anak ngunit ako ang lumikha."

Sa sinabi ng lalake, ang Donya ay nalito at hindi agad nakaimik. Sinamantala iyon ng estranghero at mabilis itong umalis.

Palibhasa'y likas na maunawain, kaya inampon na rin ng Donya ang tatlong batang lalake na sadyang iniwan ng estranghero.

Natuwa ang limang batang babae na pawang ampon di ni Donya Segundina nang makilala ang mga bagong ampon, subalit ang dalawang matandang katulong ay parang kinabahan. May naramdaman silang kakaiba pagkakita sa itsura nina MOK, NGAW, IPIPIS sapagkat ang mga ito ay tila hindi pangkaraniwang nilalang.

Ang kutob ng mga katulong ay waring nagkatotoo dahil sa palaging pagkakasakit ng mga batang babae mula nang tumira roon ang tatlong bata. Nagtataka rin si Donya Segundina sa pagkakaroon ng mumunting pantal sa katawan ng mga batang babae. Nakapatatakang isipin kung bakit sila ay nagkakahawaan ng sakit samantalang patuloy na lumulusog ang mga bagong ampon. Masaya ang donya sa nakitang kalusugan ng tatlong bata ngunit hindi niya alam na ubod ng gulo ang mga ito at walang pinakikinggan. Ang katigasan ng kanilang ulo at masamang pag-uugali ay lumalabas kapag wala si Donya Segundina. Madalas din nilang awayin at paiyakin ang mga batang babae.

Isang gabi, natuklasang ng dalawang matandang katulong ang lihim ng tatlong bata. Sila pala ay nagiging KULISAP na nakapangdidiri! Sa bawat lipad at pagdapo ni NGAW, at sa bawat mabilis na paggapang ni IPIPIS ay pareho silang nag-iiwan ng mikrobyo sa pagkain at inumin ng mga bata, habang palipat-lipat naman si MOK ng pagsipsip ng dugo sa katawan ng mga natutulog.

Ang mga nahintakutang katulong ay dali-daling nagsumbong sa Donya tungkol sa kanilang nasaksihan. Maging ang kapilyuhan ng tatlong bata ay kanila ring inihayag, ngunit ayaw silang paniwalaan ng abalang Donya sapagkat sa harapan nito ang mga batang sutil ay mukhang santo. Walang nangyari sa sumbong kaya binalak nilang bantayan at saka hulihin ang mga batang kulisap upang maipakita sa Donya, subalit ang matatalinong bata ay hindi na nagbagong-anyo, ngunit sa tuwi-tuwina ang mga batang babae ay kanilang sinasaktan.

Isang hapon, habang naglalaro ang mga batang babae, lumapit ang tatlong pilyo at walang sabi-sabing namalo. Napahiyaw sa tindi ng sakit ang limang bata . . . nang biglang lumitaw ang isang paslit na batang lalake.

"HUMANDA KAYO NGAYON! SA WAKAS, NATAGPUAN KO NA RIN KAYO. HINDI KAYO NARARAPAT NA MAGING TAO!"

Ngunit ang di kilalang bata ay hindi pinansin nina Mok, Ngaw at Ipipis. Sa halip ay pinagtulungan pa nilang saktan ito kaya ang pagdating ni Donya Segundina at ng dalawang katulong ay hindi nila napansin. Nakita ngayon ng Donya ang tunay na ugali ng tatlong bata at sa labis na galit ay halos ipinagtabuyan nito ang mga ampong lalake, subalit ngumisi lamang ang mga ito saka inilabas ang nakatago nilang pangil at nandidilat ang mga matang tumitig sa Donya.

Sa pagkabigla, lahat silang naroroon ay hindi nakakilos at hindi rin alam ang gagawin sa mga batang lumapit.

Sa sandaling iyon, dagling pumagitna ang batang paslit na isa palang "kerubin".

"SA NGALAN NG KATAAS TAASAN, MAGSIBALIK KAYO SA DATI NINYONG ANYO, MGA ISINUMPANG NILIKHA!"

Sa isang kisap-mata ay naging kulisap nga ang tatlong bata na hindi pala totoong tao!

Ang kababalaghang naganap ay binigyang-linaw ng kerubin. Ayon sa kanya: "May mga taksil na anghel ang nanghimasok at pinakialaman ang sagradong gawain ng Manlilikha. Gumawa sila ng mga bagay na may buhay at mumunting kulisap na nakaririmarim. Sa kalapastanganang iyon ng mga suwail na anghel, sila, sampu ng kanilang nilikha ay isinumpa ng MAYKAPAL at inihagis sa lupa. Ang mga nahulog sa pusali, marurumi at mababahong lugar ay naging insektong mapaminsala. Hinayaan na lang ng MAYLALANG ang mga kulisap na ito bagama't mapanganib sa kalusugan, upang ang TAO ay matutong maging malinis, sapagkat sa kalinisan, ang mga insektong mapaminsala aya madaling mapuksa."

Batid ng munting anghel na ang kanyang paliwanag ay sapat na kaya ilang saglit pa, ito ay naglaho.

Mula kung saan ay nagsulputan ang tatlong uri ng kulisap na kawangis ni MOK, ni NGAW at ni IPIPIS datapuwa namangha ang mga tao nang magliparan papalayo ang mga insekto. Ahh, tama ang kerubin, ayaw pala ng mga ito sa malinis na tahanan.

Simula noon binansagan nang LAMOK ang mga kauri ni Mok na mahilig manusok lalo na sa gabi. Tinawag namang LANGAW ang mga kamukha ni Ngaw na ang paboritong istambayan ay basurahang nangangamoy. IPIS naman ang ipinangalan sa lahi ni IPIPIS na laging nakakubli sa madidilim at maruruming sulok ng bahay.

Hanggang ngayon, ang mga kulisap na ito ay patuloy pa rin sa kanilang paminsala at pagdudulot ng sakit sa tao, lalo na sa mga walang malay na bata... ngunit kung tayo ay magkakaisa, alam naman nating kung paano sila mapupuksa.
Previous
Next Post »