Print Friendly and PDF

Talambuhay ni Ambrosio Rianzares Bautista

Talambuhay ni Ambrosio Rianzares Bautista

Sinikap niyang makalikom ng malaking pondo maitaguyod lang ang propaganda laban sa mga Kastila. Isa ito sa mga natatanging ginawa ni Ambrosio Rianzares Bautista na ipinagpapasalamat ng mga Pilipino.

Isinilang si Ambrosio sa Binan, Laguna noong Disyembre 7, 1830. Mga magulang niya sina Gregorio Bautista at Silvestre Altamira.

Ang katalinuhan ng propagandista ang naging susi upang matapos niya ng Bachelor of Laws sa Unibersidad ng Santo Tomas. Sapagkat likas ang pagiging matulungin, ang pilantropo ay laging bukas palad na nagbibigay ng serbisyong legal lalo na sa mga mahihirap.

Sa pagnanais na makapaglingkod sa mga organisasyong nagmamahal sa bayan, naging opisyal siya ng La Liga Filipina at ng Cuerpo de Compromisarios.

Nang mag-alsa ang mga rebolusyonaryo noong Agosto, 1896, isa si Ambrosio sa mga hinuli at ikinulong sa Fort Santiago. Sa matalinong pagtatanggol sa sarili ay pinakawalan ang mahusay na abugado. Sa pamuling pakikilahok niya sa propaganda ay galit na galit na hinanap siya ng mga awtoridad kaya napilitang magtago si Ambrosio.

Nang bahagyang luwagan ng Espanya ang kaniyang batas upang maimbitahang makilahok sa pamahalaan ang mga Pilipino ay pumayag si Ambrosiong maging tagapayong pangkapayapaan.

Hindi nagtagal at nagkalaban ang Espanya at Amerika. Sa pagbabalik Pilipinas ni Pangulong Aguinaldo mula Hongkong ay kinuha niya si Ambrosio upang maglingkod sa pamahalaan bilang Auditor-General de Guerra at tagapayong pulitikal. Nang ipasuri sa abugado ang pamahalaang konstitusyonal na ipinakikilala ni Mariano Ponce ay sinalungat ito ni Ambrosio. Ayon sa kaniya, mas mabuti raw kung sa halip na konstitusyonal ay pamahalaang diktatoryal ang iproklama. Para kay Ambrosio, ito raw ang porma ng gobyernong nagpapahalaga kay Pangulong Aguinaldo at sa pamahalaang kinakatawan nito.

Sa Kongreso Rebolusyonaryo na ginanap sa Malolos, naipakita ng abugado ang talino niya sa maraming deliberasyong pulitikal. Bagamat unang naging pangulo dito si Pedro Paterno, naging pangulo rin si Ambrosio nang ganapin ang Kongreso sa Tarlac.

Nang matapos ang digmaang Pilipino-Amerikano, pinangarap niyang makapag-ambag sa kapayapaang pangkapaligiran. Upang maisagawa ito, tinanggap niya ang alok ng pamahalaan upang maging hukom sa lalawigan ng Pangasinan.

Namatay si Ambrosio sa isang aksidente noong Disyembre 4, 1903.

Isang dakilang Pilipino na nag-alay ng salapi, talino at panahon upang mapalaya ang mga Pilipino sa kamay ng mga dayuhan. Dapat lamang na tingalain si Ambrosio Rianzares Bautista bilang bayani ring matatawag ng ating kapuluan.
Previous
Next Post »