Print Friendly and PDF

Talambuhay ni Antonio Luna

Talambuhay ni Antonio Luna

Ang katalinuhan at pagkamakabayan ay mga angking kaugaliang kalakip ng katauhan ni Heneral Antonio Luna.

Ipinanganak si Antonio sa Binondo, Maynila noong Oktubre 29, 1866. Pinakabunso siya sa pitong anak nina Don Joaquin Luna at Do?a Laureana Novicio. Kapatid siya ng sikat na pintor na si Juan Luna.

Una niyang natutuhan ang pagbasa at pagsulat ng alpabeto sa paggabay ng isang gurong nagngangalang Intong. Bata pa lang ay marunong nang tumugtog ng gitara, piyano at mandolino si Antonio. Bukod sa sining ng musika, may motibasyon din siyang magpahalaga sa literatura at siyensiya. Ang hilig niya sa pag-aaral ay pinatunayan nang tapusin niya ang Bachelor of Arts sa Ateneo de Manila; ang Licenciate in Pharmacy sa Unibersidad ng Barcelona at ang Doctor of Pharmacy sa Unibersidad ng Madrid.

Kung sa Pilipinas ay nagkamit ng unang gantimpala ang komposisyon niyang "Dos Cuerpos Fundamentales de Quimica", sa Espanya ay hinangaan naman ng mga kilalang bacteriologist ang pananaliksik niyang "El Hermatozoario Paludismo."

Bilang iskolar, naglakbay si Antonio upang makipagpalitan ng opinyon sa mga kilalang syentista sa Belgium, Denmark, France, Russia, Japan at Germany.

Saan man siya magpunta ay maraming humahanga sa mga pag-aaral niya sa yellow fever, influenza at iba pang sakit tropikal.

Bukod sa pagiging matalino, may paninindigan din siyang ipaglaban ang karapatang magbigay ng opinyon sa alinmang isyung pulitikal na maibigan niya. Ito nga ang ginawa ni Antonio nang sulatin niya sa La Solidaridad ang obserbasyong satirikal na napapaloob sa kuru-kuro niyang Impressiones. Nang komentahan ito ng Espanyol na si Mir Deas ay hinarap at hinamon ni Antonio ng espadahan ang puti. Sa takot ng Espanyol ay hindi nito tinanggap ang hamon. Maraming puti ang lubos na humanga sa tapang ng matalinong Pilipino.

Nang umuwi si Antonio sa Pilipinas noong 1894 ay nagsilbi siya bilang propesor ng Universidad Certifico Literario de Filipinas at Direktor ng Laboratorio Manila.

Sa mga usapang pulitikal ay malayang pinanindigan ni Antonio na dapat lang maging probinsiya ng Espanya ang Pilipinas. Kailangan din daw tanggapin ng mga Pilipino ang lahat ng karapatang ibinibigay sa mga Espanyol. Sa kasamaang palad, inaresto siya ng mga awtoridad sa mga liberal na kaisipang pinaniniwalaan niya. Para sa mga Espanyol, pasimula ito ng rebolusyong plano ng mga Katipunero.

Ang pagkabilanggo ay ikinairita ni Antonio. Nang palayain ay nagdesisyon siyang mag-aral ng kursong pandigmaang nagbibigay diin sa estratehiyang pangmilitar. Kung pinagbintangan siyang rebolusyonaryo inisip, ni Antoniong mabuti ngang magrebolusyon nga siyang totoo.

Nagbalik sa Pilipinas ang syentista. Giyera Pilipinas-Amerika noon. Lalong pinagbuti ni Antonio ang pagiging propagandista nang itatag niya ang La Independencia. Naging tunay na rebolusyonaryo ang syentista nang italaga ito ni Heneral Aguinaldo bilang Direktor ng Digmaan. Itinatag ni Antonio ang isang "Academia Militar" na nagsanay sa mga opisyal ng rebolusyon upang lalong maging mahusay na lider. Bagamat marami ang natuto sa disiplinang binigyang diin ni Antonio, marami rin ang may balat-sibuyas na nagsusumbong kay Heneral Aguinaldo. Para kay Antonio, ang hindi makatiis ay dapat lang na umalis.

Bilang gerero, ang katapangan ay angkin ni Antonio. Maraming malalaking labanan ang pinamunuan nito. Ayon sa mga historyador, habang pinatatakas si Heneral Emilio Aguinaldo bilang Pangulo ng Pamahalaang Rebolusyonaryo, si Antonio Luna ang pansamantalang namumuno sa mga sundalong Pilipino upang iligaw ang mga puti. Hinaharap niya ang mga kalaban. Nakikipagsabayan siya sa digmaan. Sinusunog niya ang mga bukiring dapat makasagabal sa mga kaaway na sumasalakay. Iba't ibang istratehiyang pandigmaan ang ginamit ni Antonio na lubos namang ikinatuwa ng Pangulo.

Sa labanan sa Santo Tomas, Batangas, minalas na masugatan si Antonio. Habang nagpapagaling ay nagtataka siya kung bakit ipinatatawag siya ng Pangulo niya. Bilang masunuring tauhan ay sumunod siya sa Cabanatuan noong Hunyo 5, 1899 subalit wala sa kumperensiya ang nagpatawag sa kaniya. Sa sobrang galit ni Antonio ay pinagmumura niya ang mga sundalong dinatnan niya. Nakilala niyang ang mga nabanggit na sundalong taga-Kawit ang mga rebolusyonaryong tinanggalan niya ng armas bilang pagpaparusa sa kawalan ng disiplina. Habang pababa sa hagdanan ng kumbento, umalingawngaw ang sunud-sunod na putok. Patay na bumagsak ang mabagsik na Heneral.

May mga haka-haka na biktima ng intrigang pulitikal si Antonio.

Sa kasaysayang humuhusga, si Antonio Luna na lumaban sa mga kaaway, dumisiplina sa mga rebolsuyonaryo at nangalaga sa kaligtasan ng Pangulo ay isang tunay na bayaning nag-alay ng buhay alang-alang sa kalayaan.
Previous
Next Post »