Print Friendly and PDF

Talambuhay ni Emilio Aguinaldo

Talambuhay ni Emilio Aguinaldo

Hindi madali ang maging Pangulo ng Unang Republika ng Pilipinas at mamuno sa rebolusyon laban sa Espanya at Estados Unidos pero 'yan ang ginawa ni Heneral Emilio Aguinaldo.

Si Emilio ay ipinanganak noong Marso 22, 1869 sa Kawit, Cavite. Anak siya ni Don Carlos Aguinaldo at Dona Trinidad Famy.

Nasa ikatlong taon lang siya ng mataas na paaralan sa Colegio de San Juan de Letran nang mamatay ang kaniyang ama kaya huminto siya sa pag-aaral at namahala sa kanilang malawak na pataniman.

Upang hindi manilbihan bilang katu-katulong ng mga sundalong Espanyol, nanungkulan siya bilang Cabeza de Barangay. Gulat ang mga taong nasasakupan niya. Mahusay kasi siyang mamuno.

Nang ipatupad ang Batas Maura, si Emilio ang unang napiling maging Capitan Municipal ng Kawit noong Enero, 1895. Bilang pinunong katipunero ng Cavite ay namahala si Emilio upang makuha sa mga kamay ng mga Kastila ang mga bayang Kawit, Imus at Bacoor sa lalawigang ito. Sa sobrang galit ng mga Espanyol sa matapang na Caviteno, lagi nila itong inaabangan upang ikulong sa piitan. Subalit laging nakaiiwas si Emilio.

Sa kumbensiyon ng mga katipunero sa Tejeros noong Marso, 1897 ay nagkalaban ang grupong Magdalo ni Emilio Aguinaldo at ang grupong Magdiwang ni Andres Bonifacio. Bagamat wala roon si Emilio ay nahalal itong pangulo.

Bilang bagong presidente ng katipunan, nagdesisyon si Emilio na ilipat ang Punong Tanggapan niya una sa Batangas at ikalawa sa Bulacan kung saan itinayo niya ang Pamahalaang Rebolusyonaryo sa Biak na Bato.

Sa pagkakaroon ng giyera sa Cuba ay lito ang isipan ng mga Kastila kahit napakarami nitong sundalo. May laban na sa Pilipinas, may laban pa sa Cuba.

Sa pakikipag-usap ni Pedro Paterno, emisaryo ng mga Espanyol, ay inihain kay Emilio ang Pact of Biak na Bato. Sa kasunduan, bibigyan ng pangkalahatang amnestiya ang lahat ng rebolusyonaryo; hahandugan ng P800,000 ang pamunuan at P900,000 ang mga Pilipinong sinalanta ng digmaan. Kasama ng mga piling tauhan, naging exile si Aguinaldo sa Hongkong. Namalagi siya roon ng 3 buwan lamang.

Tamang-tamang nagsisimula na noon ang digmaang Kastila-Amerikano. Sa Amerika pumanig si Emilio. Nang magbalik sa Pilipinas ay iprinoklama niya ang kalayaan sa Kawit, Cavite. Nakuha niya ang simpatiya ng maraming rebolusyonaryo at ang mga probinsiya ay hawak na ng mga sundalong Pilipino. Tanging ang Maynila ang sakop pa rin ng mga Kastila. Nang mapaligiran nina Emilio ang Maynila ay napilay ang mga Kastila. Susuko na sana ang mga Kastila nang utusan ng Espanya ang mga sundalo nito na sumuko hindi sa mga Pilipino kung hindi sa mga Amerikano.

Sa panlalansi ng Amerika, ang digmaang pinanalunan sana ni Emilio ay nawalang parang bula.

Nagsimula na ang labanang Pilipino-Amerikano. Sa hirap na dinanas ni Emilio, naging matatag pa rin siya. Naitindig niya ang Revolutionary Congress at naipasulat ang Konstitusyon sa Malolos subalit sumang-ayon ang Espanya sa Treaty of Paris na ibigay ang Pilipinas sa mga Amerikano sa halagang 20 milyong dolyar. Hindi inaasahan ng mga Amerikano na higit na malaking halaga ang pinsalang magagawa ni Emilio sa pag-aalsa.

Humigit kumulang sa 75,000 sundalong Amerikano ang ipinadala sa Pilipinas. Maraming namatay na Pilipino. Marami ring namatay na mga Amerikano. Tindig bayani si Emilio. Palipatlipat siya ng lalawigan kayakap ang pamahalaang rebolusyonaryo. Nakubkob siya ng mga Amerikano sa pamumuno ni General Funston sa Palanan, Isabela noong Septiyembre, 1900.

Ang Chief Justice of the Supreme Court na si Cayetano Arellano ang nakiusap kay Emilio na makipagtulungan sa mga Amerikano. Napahinuhod ang dakilang lider kaya nanawagan siya sa lahat ng rebolusyonaryo na magsisuko alang-alang sa pangkalahatang kapayapaan.

Ang lubos na katuwaan ni Emilio ay naganap noong 1962 nang ipahayag ng Pangulo ng Pilipinas na ang Hunyo 12, 1898 ay tunay na Araw ng Kalayaang dapat ipagdiwang ng mga Pilipino sapagkat sa araw na ito nanindigan si Emilio Aguinaldo na tayo ay ganap nang malaya bilang isang bansa.

Namatay si Emilio Aguinaldo noong Pebrero 6, 1964. Matagal din siyang biniyayaang mabuhay upang makitang ganap ang bunga ng kaniyang ipinakipaglaban sa larangan ng digmaan.
Previous
Next Post »