Print Friendly and PDF

Talambuhay ni Graciano Lopez Jaena

Talambuhay ni Graciano Lopez Jaena

Isang tinitingalang propagandista, si Graciano Lopez Jaena ay lalong kilala sa tawag na "Prinsipe ng mga Orador."

Ipinanganak siya sa Jaro, Iloilo noong Disyembre 18, 1856. Mga magulang niya sina Placido Lopez at Maria Jacob.

Unang nag-aral si Graciano sa Colegio Provincial ng Jaro. Batang-bata pa lang ay kinakitaan na siya ng katalinuhan at kabibuhan ng kaniyang gurong si Padre Francisco Jayme. Tinapos niya ang antas sekundarya sa Seminario de San Vicente Ferrer. Sa nasabing paaralan, tinanghal siya bilang Pinakamahusay na Estudyante sa Teolohiya.

Inakala ng mga magulang ni Graciano na pagpapari ang papasukin niyang kurso. Nagkamali sila sapagkat inspirado siyang maging doktor. Sa kakulangan ng salaping itutustos, napilitan siyang mag-aprentis sa San Juan De Dios Hospital. Sa pagtulung-tulong sa mga doktor, natutuhan niya ang panggagamot sa mga simpleng karamdaman. Sa pagbabalik niya sa lalawigan, kahit bawal ay nanggamot siya ng iba't ibang sakit ng mga kababayan.

Sa panggagamot at pakikisalamuha sa mga maralitang kababayan, napuna niyang marami palang kawalang katarungan ang ipinaparusa ng mga Kastila. Sa maraming pisikal na karamdamang dinaranas ng mga kababayan, napag-alaman niyang dobleng hirap pala ang dinadala ng mga taong nakapaligid sa kaniya.

Dito na nagsimulang magkomentaryo ang propagandista. Lagi at lagi niyang ipinaliliwanag sa bawat pasyente ang kawalang katarungan ng mga Kastila.

Noong 1874 ay pinag-usapan ng marami si Graciano nang isulat niya ang komentaryong "Fray Botod" at "La Hija del Fraile" na naglalarawan sa masasamang pag-uugali ng mga paring Espanyol. Ang nasabing mga artikulo ang dahilan kung bakit hinanap siya ng mga awtoridad upang ipakulong. Upang iligaw ang mga militar, kaagad siyang lumabas ng Pilipinas at nagpunta sa Espanya.

Sa Madrid ay naging pangunahing kritiko si Graciano. Nagsulat siya ng mga opinyon laban sa pamahalaang Kastila na nagpapalakad sa Pilipinas at sa mga prayleng Kastila na humahawak sa Simbahang Katoliko sa bansa.

Naging mabiling-mabili ang mga kritisismo ng propagandista na napublika sa mga dyaryong Los Dos Mundos, El Liberal, El Progreso, Bandera Social, La Publicidad, El Pueblo Soberano at El Deluvio.

Sinikap din ni Gracianong makasulat ng mga artikulo sa ekonomiya sa mga pahayagaang Espana En Filipinas, Revista del Circulo Hispano Filipino at Revista de la Camara de Comercio de Espana.

Naging aktibong miyembro din siya ng Circulo Hispano Filipino na isang organisasyon ng mga Pilipino kasama ang mga Espanyol na sumisimpatiya sa ipinakikipaglaban ng mga propagandista.

Ang pagiging mamamahayag ay ginamit ni Graciano upang mapalawak ang galaw ng propaganda. Pebrero 15, 1889 nang ilathala niya ang La Solidaridad. Naging layunin ng nasabing dyaryong kumalaban sa paninikil, gumawa ng reporma sa lipunan at pulitika, tumanggap ng mga liberal at progresibong kaisipan, magpakalat ng mga demokratikong pananaw at lumaban upang maipanalo ang hustisya at progreso.

Humigit kumulang sa isang libong talumpati ang nabigkas ng "Prinsipe ng mga Orador" sa Europa. Siyam lamang sa mga ito ang napasama sa koleksiyong Discursos Y Artkulos Varios.

Upang madagdagan ang pondo ng mga propagandista, pinayuhan ni Jose Rizal ang Orador na magbalik sa Pilipinas noong 1890.

Ang pakikipagpulong ni Graciano sa mga kasapi ng La Junta de la Propaganda ay natiktikan ng mga Kastila kaya agad siyang sumakay sa Bapor San Juan papuntang Hongkong.

Sa pagbabalik ng Orador sa Barcelona ay dinanas niya ang isang libo at isang karalitaan. Buong pagpapakasakit niya itong hinarap alang-alang sa ikapagtatagumpay ng kalayaan.

Sa malayong lugar ng Europa nanghina ang pangangatawan niya. Ikinamatay ni Graciano ang sakit na tuberkulosis noong Enero 20, 1896.

Ang napakaraming kaisipang hinugis niya sa mga talumpati ay lagi at laging mauulinigan mula sa kawalan. Pagpapatunay lamang itong may isang propagandistang Pilipinong nanindigan sa ikalalaya ng sambayanan.

Ibinigay ni Graciano Lopez Jaena ang kaniyang kabuuan. Magpasalamat tayo sa kaniyang kadakilaan.
Previous
Next Post »