Print Friendly and PDF

Talambuhay ni Gregorio del Pilar

Talambuhay ni Gregorio del Pilar

Si Gregorio del Pilar ang pinakabatang heneral na nag-alay ng buhay upang palayain ang mga Pilipino sa kamay ng mga kaaway.

Siya ay ipinanganak noong Nobyembre 14, 1875 sa San Jose, Bulacan. Sina Fernando del Pilar at Felipa Sempio ang mga magulang niya. Pamangkin siya nina Marcelo del Pilar, propagandistang namalagi sa Espanya at Padre Toribio del Pilar, Pilipinong paring ipinatapon sa Guam.

Kabilang sa mga unang guro ni Gregorio sina Maestro Monico at Pedro Serrano Laktaw. Sa Ateneo niya tinapos ang Bachiller de Artes noong 1896.

Bilang estudyante, nakikitira noon si Gregorio sa bahay ni Deodato Arellano, puno ng mga propagandista, na asawa ng tiyahin niyang si Hilaria del Pilar. Sa pagtulong ni Gregorio sa pamumudmod ng mga polyetong pandigma, nagkaroon siya ng inspirasyong makatulong sa pagpapalaya ng mga Pilipino.

Nagpatala siya bilang pormal na rebolusyonaryo sa edad na beinte dos. Sapagkat naipakita niya ang bilis at ang tapang sa Laban ng Kakaron de Sili madali siyang naitaas ng ranggo bilang tinyente. Iniharap din siya sa Laban Mambog at Laban Paombong na matagumpay din niyang naisagawa. Sa dami ng armas at balang naagaw niya ay naging tinyente koronel siya sa ipinakitang husay sa digmaan. Noong Hunyo 24, 1898 ay napasuko niya ang ika-5 Batalyong Kastila sa Bulacan na naging dahilan upang tanghalin siyang Heneral.

Matapos ang mga Kastila, heto naman ang mga Amerikano. Mapapansing lagi at laging ibinubuhos ni Gregorio ang lahat ng kakayahan kapag nakikipagdigmaan. Naririyan ang Laban sa Guiguinto, ang Laban sa Plaridel at ang Laban sa San Miguel.

Nang tanghalin siyang punong tagapagtanggol ni Heneral Emilio Aguinaldo ay lagi niyang pinangangalagaan ang seguridad ng Pangulo ng Pamahalaang Rebolusyonaryo. Sinasabing kung nasaan ang Pangulo ay naroon ang bansang pinamumunuan nito. Nang masukol na ng mga Amerikano ang Pampanga ay mabilis na nagpunta si Aguinaldo sa Nueva Ecija patungong Tarlac tapos ay sa Nueva Viscaya. Habang papunta sa Cagayan at sa Isabela, pinagsikapan ni Gregoriong bantayan ang Pasong Tirad sa lalawigang Bulubundukin upang hindi masundan ang Presidente.

Ang 60 kataong sundalo ni Gregorio ay hindi katapat ng 300 sundalo ni Major March pero nagpakatatag si Gregorio sa pagbabantay sa Lagusan.

Sa kasamaang palad, isang espiyang Pilipino ang nagturo sa isang makitid na daan. Nakaakyat dito ang mga Amerikanong nakasilip sa kinaroroonan ni Gregorio.

Sa isang kisapmata ay bumagsak sa hagdanang bato ang malamig na bangkay ng batang-batang sundalo. Sa matapat na pangangalaga sa pinuno, isang bayani ang nag-alay ng buhay alang-alang sa kalayaan ng sambayanan.

Sa animnapung sundalong Pilipino, walo lang ang nabuhay upang makapag-ulat kay Aguinaldo.

Sinasabing ninakaw ng mga puti ang lahat ng kasuotan ng pinatay na Heneral.

Salamat kay Tinyente Dennis Quinlan na nakakita sa hubad na bangkay matapos ang ikalawang araw. Pinabihisan niya ito, ipinalibing at pinarangalan sa isang lapida na nagsaad na si Gregorio del Pilar ay dapat daw tanghalin bilang "Isang Opisyal at Isang Ginoong Dapat na Igalang."

Ang mortal na katawan ni Heneral Gregorio del Pilar ay nawalan ng buhay noong Disyembre 2, 1899. Sa araw na ito lalong nagningning ang kabayanihan at katapatan ng isang batang-batang Heneral na dati-rati'y tinatawag na Goyo ng kaniyang mga kababayan.
Previous
Next Post »