Print Friendly and PDF

Dalawang Aso

Dalawang Aso

Nagkitang minsan ang asong-lunsod at asong-bukid. "Kumusta ka, kaibigan," bati ng asong-lunsod. "Matagal na tayong hindi nagkakausap."

"Mabuti naman," sagot ng asong-bukid. "Ikaw naman, mukhang alagang-alaga ka. Kay lusog mo ngayon."

"Oo nga. Alam mo bang saganang-sagana ako sa pagkain. Kay daming ibinibigay sa akin ng aking among mayaman."

"Mabuti ka pa," sabi ng asong-bukid. "Ako nama'y hindi gaanong marami ang nakakain. Nakakatawid-gutom lamang dahil hindi naman nakaririwasa ang tinitirhan ko."

"Bakit hindi ka pa sumama sa akin? Maraming pagkain doon sa amo ko. Tiyak na tataba kang katulad ko," alok ng asong-lunsod.

"Talaga ba? O, sige, sasama ako sa iyo at doon na rin ako titira sa amo mo."

Naglakad na nga ang dalawang pauwi sa tinitirhan ng asong-lunsod. Habang nasa daan pa sila, napansin ng asong-bukid na may mga sugat sa leeg ang kanyang kaibigan.

"Ano ang nangyari sa leeg mo," tanong niya. "Bakit puro sugat?"

"A, dahil iyan sa tanikalang inilalagay sa akin sa bahay. Inalis nga lamang iyon kanina dahil nakita ng amo ko ang mga sugat. Kaya pati ako nakapaglakad at nakita mo."

"Ay, ganoon ba? Nilalagyan ka pala ng tanikala? Kapag gumaling ang mga sugat, ibabalik ba sa leeg mo ang tanikala?"

"Tiyak iyon," sabi ng asong-lunsod. "Bawal sa aming mga kalsada ang gagala-galang aso kaya nararapat lang na itali ako sa loob ng tarangkahan."

"Kung gayon ay hindi na ako sasama sa iyo. Babalik na lang ako sa aking amo sa bukid. Hindi nga niya ako pinagsasawa sa pagkain, ngunit ako nama'y binibigyan niya ng layang makapunta kahit saan ko gusto."

Nagpaalam siya sa kaibigan at tatakbong bumalik sa dating tahanan.
Previous
Next Post »