Print Friendly and PDF

Kapuri-puring Bata

Kapuri-puring Bata

Nais ko pong ipabili sa aking ina para sa aming notse buena yaong pagkaing pinananabikan ko, katulad ng mansanas at fried chicken...

Tugon ito ni Ralph, Grade III - 1, ng Paaralang Bagong Barangay, nang siya ay tanungin ng kanyang guro sa Journalism kung ano ang kanyang gagawin sa kanyang tatlong alkansiyang puno ng mga barya. Ito ay natipon niya sa pagiging batang-basurero.

Namumukod si Ralph, 10 taong gulang, sa mga ininterbyu ni Gng. Aida Escaja, isang tagapayo ng pahayagang pampaaralan. Dalawang palagiang trabaho ang ginagampanan ni Ralph. Ipinagtatapon niya ng basura ang mga nakatira sa Bagong Barangay Tenement at errand boy sa palengke ng may bibingkahan sa kanilang pook.

Napili ng kanyang guro ang sinulat ni Ralph, "Kumita Habang Nag-aaral" para sa kanilang pamaskong isyu. Si Ralph ay isa sa mga batang sinasanay ng kanilang guro upang maging kagawad ng patnugutan pagtuntong niya ng ikaanim na grado. Matalino siya pagkat lagi siyang kasama sa "Top Ten" ng kanilang klase mula pa noong Grade 1.

May kabutihan ding nagagawa ang kahirapan sa mga bata. Maaga pa'y nalalantad na sila sa pakikibaka sa buhay kaya nagiging matatag sila sa pagharap sa mga suliranin sa buhay. Hindi sila nagpapanik na tulad ng mga sanay sa ginhawa. Nagiging malikhain sila sa paghanap ng mapagkakakitaan.

Kasama ni Ralph sa pagtatapon ng basura sina Topher, 11 taong gulang, Grade III din, at si Jun-jun, 6 na taong gulang at nasa unang baitang.

Tumatanggap sila ng mula biyente sentimos hanggang dalawang piso, ayon sa rami ng basurang kanilang itinatapon. Tuwing alas-dos naroroon na sila na may dalang sako.

Nagkaisa sila sa hatian ng kanilang kita: 45 porsiyento para kay Topher na malaki at malakas; 35 porsiyento para kay Ralph at 20 porsiyento para kay Jun-jun. Magkakapit-kwarto ang kanilang tinitirhan at tsuper ang kanilang mga ama.

Kapuri-puri ang tatlong batang ito na maagang nagising sa katotohanang sa iyong pawis manggagaling ang iyong ikabubuhay.

Ayon sa kanilang magulang, may isang taon nang nangungulekta ng basura sa tenement house ang tatlong batang ito. May recycling pa silang ginagawa, ipinagbibili nila ang mga nakukuha nilang papel, plastik, bote, at bakal bago nila ito' tuluyang itapon.

Isang errand boy si Ralph ng may-ari ng bibingkahan. Siya ang nagpapagiling ng bigas sa may palengke at siya pa rin ang kumukuha ng isang sakong bao sa palengke.

Sa puspusang pag-aaral at paggawa dapat imulat ang mga bata. Ito ang panuntunang sinunod ni Rizal sa kanyang munting paaralan sa Dapitan. Naniniwala ang ating bayani na maaga pa ay dapat nang ituro sa mga bata ang pagmamahal sa paggawa.

Maliit pa sina Ralph, Topher at Jun-jun ay may direksyon na ang kanilang buhay. Sa pamamagitan ng pagbabanat ng buto at pagpapatulo ng pawis, sila ay kumikita na. Hindi na sila matitigil sa pag-aaral. May tiyak na silang mababaon, may kaunti pang maibibigay sa magulang at may maihuhulog pang barya sa alkansiya.

Hango sa kuwento ni B. Abangan
Previous
Next Post »