Print Friendly and PDF

Matulunging Bata

Matulunging Bata

Ang mabait, masipag, maalalahanin at mapagmahal na bata ay tumutulong nang kusa sa bahay, di lamang para sa sarili kundi pati sa mga magulang at mga kapatid.

Para sa aking sarili, ay inilalagay ko sa kanya-kanyang lalagyan ang lahat ng aking gamit sa paaralan, sa bahay at sa iba pa. Sa ganito, ay hindi ako maghahanap at mag-aaksaya ng panahon lalo na kung nagmamadali ako.

Hindi na rin ako makagagalitan. Laging nasa lugar ang mga libro, notebook, lapis, pentelpen, pad paper, school bag, payong, sapatos, at lahat-lahat na. Walang kakalat-kalat.

Sa Kuya at Ate ay tumutulong din ako lalo na kung sila ay abalang-abala sa ibang gawain. Pagdating nila mula sa paaralan ay sasalubong na ako sa hagdan pa lamang, upang kunin ang kanilang gamit at ilalagay ko na sa kani-kanilang lalagyan. Kapag nagpuputol ng panggatong ang Kuya ko, ay iniaakyat ko na ang maliliit na piraso. Sa Ate naman, kapag nagwawalis, ay kukunin ko ang basahan at ako na ang magpupunas sa mga mesa at upuan.

Si Tatay at Nanay ay wala; sila ang gumagawa para sa amin. Ay, mayroon pala. Sabi ng Nanay na malaking tulong daw sa kanila ni Tatay kung ako, kaming magkakapatid, ay masunurin, masipag, magalang at malinis. Natutuwa daw sila at hindi raw nila nararamdaman ang pagod, at nagpapasalamat pa sa Panginoon.

Kaya naman maingat kami sa damit upang di sobrang marumi ang lalabhan. Takbo ako agad sa pagtulong kung kaya ko rin lamang gaya ng paghahanda sa hapag-kainan, pag-urong ng mga ito pagkatapos, paghugas at pagligpit.

Ang dami, ano? Pagnakagawian na ay walang mahirap. At napakasarap pang pakiramdaman at pakinggan ang, "Ay salamat! Mabait at matulungin ang aking anak!"
Previous
Next Post »