Print Friendly and PDF

Nagbayad ng Utang-na-Loob

Nagbayad ng Utang-na-Loob

Isang araw, masayang umaawit ang ibong si Maya habang palipad-lipad siya sa puno ng mangga. May batang dumaan sa ilalim ng puno at nang marinig ang awit ng ibon ay kumuha ng bato para ipukol dito. Nais niyang mahuli ang ibon para ilagay sa hawla sa kanilang bahay. Hindi niya naisip na malamang ay mamatay ang ibon kapag tinamaan ng bato.

Nakita ng isang langgam sa tabi ng puno ang gagawin ng bata kaya mabilis siyang tumakbo at kinagat ang paa nito.

"Aruy!" sigaw ng bata, at nabitawan ang hawak na bato. Narinig ito ng ibon at madaling lumipad na papalayo. Hindi na nga siya nakita pa uli ng bata.

Pagkalipas ng ilang araw, ang langgam na kumagat sa bata ay naglalakad sa tabi ng ilog nang bigla siyang nadulas at nahulog sa tubig. Malulunod na sana siya ngunit may pumatak na dahon sa tabi niya. Umakyat siya sa dahon at nang ito'y mapalapit sa pampang, madali siyang nakaahon at nailigtas ang sarili.

Ang ibon ang naghulog sa kanya ng dahon. Nakita niya ito nang lulubog na sana siya. Naghintay ang ibon habang pinapagpag niya ang tubig sa katawan.

"Ayos ka na ba?" tawag ni Maya. "Mabuti na lang at nagkataong malapit ako rito nang mahulog ka sa ilog."

"Maraming salamat sa iyo," tugon ng langgam. "Kundi mo ako hinulugan ng dahong iyon sana'y nalunod na ako."

"Nagbabayad lang ako ng utang na loob. Iniligtas mo rin ako sa batang nais batuhin ako, hindi ba? Salamat din sa iyo."
Previous
Next Post »