Print Friendly and PDF

Kaming Mga Kulisap

Kaming Mga Kulisap

Kaming Mga KulisapParuparo:
Ako'y paruparong inyong namamasdan,
Na lilipad-lipad sa mga bakuran;
Kusang dumadapo sa mga halaman,
Nagbibigay-kulay sa kapaligiran.

Bubuyog:
Hindi man maganda aking kaanyuan
At sadyang maingay kapag lumilipad;
Ang abang sarili'y may tulong na alay
Sa bukong bulaklak upang mamukadkad.

Gagamba:
Maruming kulisap na ang dala'y sakit,
Tulad nitong langaw, langgam, lamok, ipis;
Kapag sa sapot ko sila ay nadikit
Kusang namamatay, hindi makaalis.

Alitaptap:
Alitaptap akong may munting liwanag,
Sa aking paglipad ay kikislap-kislap;
Nagsisilbing gabay sa aking pagtahak
At tanglaw sa gabing madilim ang landas.

Paruparo, Bubuyog, Gagamba at Alitaptap:
Kami'y ilan lamang sa mga kulisap
Na may karainga't munting pakiusap;
Ang pagmamalupit ay huwag igawad,
Sana'y pagmamahal ang aming malasap.
Previous
Next Post »