Print Friendly and PDF

Kayumanggi

Kayumanggi

KayumanggiSa ibayong pampang ng mga panahon,
Nang ako'y tumanaw, ikaw ay naroon;

Hinagap ng iba, ikaw raw ay multo,
Subali't tao kang may laman at buto;

Darang ang balat mo sa halik ng araw
Kaya ang kulay mo'y kayumangging tunay.

Kung iba't iba man ang mukha't anyo mo,
Ang diwa mo nama'y hindi nagbabago.

Sa dakong Mindanaw, ika'y Reyna Sima,
Buhat sa Borneo'y si Datu Puti ka.

Ika'y Lapulapu na anak ng Maktan,
Dapwa't sa Maynila, ikaw'y si Soliman.

Si Dagohoy ka man sa pulo ng Bohol,
Sa Leyte ika'y di ba si Sumoroy?

Si Andres Malong ka kung sa Pangasinan,
Minsan ay Palaris ang ngalan mo naman.

Ikaw'y Diego Silang doon sa Iloko,
At sa Balintawak namay Bonifacio.

Minsan si Burgos ka o kaya'y Del Pilar,
Naging Luna ka rin, saka Jose Rizal.

Sa Kabisayaan, Mindanaw, at Luson,
Sa buong Bataan at sa Korehidor.

Ikaw'y natanaw kong hawak mo'y bandila,
Mistulang moog ka ng bayang malaya!

Sintang Pilipinas, di ka maaapi
Kung sasantahi'y DIWANG KAYUMANGGI!
Previous
Next Post »