Print Friendly and PDF

Tikbalang

Tikbalang

"Ate, totoo bang may tikbalang? Pananakot lamang iyon para magbait ang mga bata, hindi ba?" tanong ni Edith sa panganay na kapatid.

"E sabi ni Tiyo Jose mayroon nga raw. Kasama pa raw siya noong makahuli sila nito."

"Sige nga, Ate, ikuwento mo sa amin ang nangyari," pakiusap naman ng bunsong si Teresa.

"O, halikayo at makinig kayo."

Mayroon raw sa baryo nina Tiyo Jose na isang napakagandang dalagang nagngangalang Linda. Ang dami raw lumiligaw dito dahil bukod sa maganda na ay mabait pa.

Ngunit sa dinami-rami ng taga-baryong nangingibig sa kanya, walang nagpapatibok sa kanyang puso. Isang araw, may nakilala ang dalaga na binatang taga-Maynila, guwapo, matangkad, at mukhang kagalang-galang. Maraming mga dalagang nayon ang nahalina kay Roberto nguni't ang napaglaanan nito ng pagtingin ay si Linda.

Ang pamimintuho ng binata ay sinuklian din ng pagmamahal ng dalaga kaya't hindi nagtagal at sila'y ikinasal. Maligayang mga araw, ang nagdaan sa mag-asawang lubos ang pagmamahalan.

Ang naging supling ng kanilang pagmamahalan ay isang magandang batang babae na pinangalanang Ligaya. Nguni't sa maaliwalas nilang langit ay dumating ang madilim na ulap. Nagkasakit si Linda at di-naglaon ay pumanaw. Naiwan ang mag-amang parang binagsakan ng sangmundong kapighatian.

Isang gabi nang binibigyan ni Roberto ang sanggol ng bote ng gatas, naramdaman niyang may dumating na tao sa kanyang likuran. Laking mangha niya nang makita sa pintuan ng silid ang asawa na kalilibing pa lamang nila noong nagdaang linggo. Hindi ito nagsasalita ngunit nakaunat ang mga kamay at waring hinihingi ang bata.

"Huwag, Linda, ikaw ay patay na. Hindi maaari!" Hinigpitan ni Roberto ang pagkapangko sa bata at umiiling.

Umalis ang babae, ngunit sa sunod na gabi ay naroon uli. Lalong mahigpit ang pagtanggi ni Roberto na iabot ang bata. Nguni't hindi siya makatulog sa malaking takot at pagtataka. Nang nangyari uli sa ikatlong gabi, naisip niyang sumangguni sa mga matatandang taga-nayon.

"Hindi multo ni Linda iyon, Roberto. Tikbalang iyon na nag-aanyong tulad ng asawa mo. May mga tikbalang diyan sa ating parang. Doon sa mga puno ng lumbang sila natutulog pag-araw at sa gabi lumalabas."

"Tunay po bang may tikbalang? Akala ko po'y mga istorya lang iyon," takang-takang tanong ni Roberto.

"Totoong may tikbalang. Kilala mo ba si Karyong sintu-sinto? Kaya naging ganoon ang taong iyon ay dahil nakuha iyon ng tikbalang noong bata pa. Nawala nang dalawang araw at natagpuan ng ama sa ilalim ng puno ng lumbang."

"Naku, ano po ang aking gagawin? Gabi-gabi po ay lalong humihigpit ang pamimilit niyang makuha ang bata," halos maiyak-iyak si Roberto.

"Hayaan mo't paghahandaan natin," pangako ng matanda.

Nang gabing iyon, dumating sa dating oras ang tikbalang na mukhang si Linda. Nang dudukwangin na sana nito ang batang pangko ni Roberto, biglang naglabasan sa silid ang mga lalaki. Nagitla ang tikbalang at dagling tumalon sa bintana.

Ngunit sa ibaba ay nakahanda rin ang ilang taong bigla siyang nasunggaban sa buhok. Pinagtulung-tulungan nila itong iginapos sa puno ng niyog. Hinampas nang hinampas hanggang magsisigaw ito sa paghingi ng awa.

"Patawarin! Aalis na ako rito sa lugar ninyo, pakawalan lamang ninyo ako. Isasama ko lahat ng mga kampon ko. Lalayo na kami at di na kayo gagambalain. Maawa kayo."

Sa kasisigaw nito at sa pangakong di na maninikbalang uli, naawa ang mga lalaking nayon at pinaalpasan na rin ang maligno.

Buhat nga noon, wala nang tikbalang pang nabalitaan sa baryo. Ang batang si Ligaya ay lumaki't naging isang mabait at magandang babaeng tulad ng ina. Kahit nang mag-asawa siya ay di niya iniwan ang ama at inalagaan niya ito hanggang sa katandaan.

"Ang ganda ng kwento mo, pero nakakatakot, Ate," sabi ni Edith. "Baka kami hindi makatulog."

"Magdasal muna kayo bago mahiga," paalala ng panganay, "kung hindi, sige, dadalawin kayo ng mga tikbalang!"
Previous
Next Post »