Ang Lobo at ang Uwak
May isang mapanlinlang na Uwak na nagnakaw ng kapirasong keso sa kusina ng isang magsasaka.
Dinampot ng magsasaka ang kalaykay at hinabol ang Uwak habang ipinagsisigawang, "Magbalik ka, magnanakaw! Magnanakaw! Magnanakaw!"
Humahangos na lumipad ang Uwak papuntang kagubatan. Sa kapaguran ay dumapo ito sa sanga ng isang puno ng akasya. Ngunguyain na sana niya ang tuka-tukang keso nang nakita siya ng mataras na Lobo. Masama ang tingin ng Lobo sa kapirasong keso. Umisip ng paraan ang Lobo upang maagaw sa Uwak ang kagat-kagat na pagkain.
Takang-taka ang Uwak nang tingalain siya ng Lobo at batiin.
"Magandang umaga, Binibining Uwak. Lalo ka palang gumaganda kung nasisikatan ng araw!"
Ipinikit ng Uwak ang mga mata niya. Itinaas ang mukha at umingos siya upang pagmalakihan ang inakala niyang humahanga sa kaniya.
Alam ng Lobong gustung-gusto ng Uwak na napupuri kaya ipinagpatuloy nito ang pangingiliti.
"Alam mo ba Binibining Uwak, ang pakpak at balahibo mo ay walang katulad. Walang panama dito ang pakpak at balahibo ng Pabo Real!"
Muntik nang makabitiw sa kinakapitang sanga ang Uwak. Sa paniniwalang totoong totoo ang papuri ay inilatag niya ang kaniyang mga pakpak at pinatindig ang mga balahibo.
"Di lang pala balahibo at pakpak ang maganda sa inyo, Binibining Uwak. Napakaganda rin pala ng inyong tindig. Nakasisiguro akong kung maganda ang inyong tindig ay higit sigurong maganda ang inyong tinig tulad ng Kanaryong umaawit."
Walang pagsidlan ng katuwaan ang Uwak sa papuri kaya upang mahigitan ang Kanaryo ay ibinuka nito ang bibig at nagsimulang umawit.
Nang bumagsak ang kagat-kagat na keso ay sinalo kaagad ito ng tusong Lobo.
Noon lamang napag-alaman ng Uwak na nalinlang siya ng kalaban.
Aral: Huwag padadala sa sobrang pagmamapuri ng iba.
Sign up here with your email
ConversionConversion EmoticonEmoticon