Ang Manlalakbay at ang Aso
Paikut-ikot sa kabahayan ang manlalakbay na gustong makasiguro na wala siyang anumang makakalimutan.
Umaga pa lamang ay inisa-isa na niya ang listahan ng mga pagkain, damit at pasalubong na dadalhin.
Inempake niya sa tatlong bagahe ang mga dalahin. Iniisip niyang baka may kakilala siyang makasabay sa paglalakbay kaya binuksan niyang muli ang bagahe ng pagkain at nagdagdag ng tinapay at inumin.
Nag-ikut-ikot siya sa kabahayan at ikinandado ang mga bintana.
Maya-maya ay binuksan niyang muli ang naempakeng bagahe ng mga damit. Tinanggal niya ang maninipis na baro sapagkat naalala niyang malamig nga pala sa siyudad na pupuntahan.
Binuksan niyang muli ang mga bintana at sinuri kung walang awang sa pagitan ng mga salamin. Maaari nga naman itong pasukin ng tubig kung umulan. Ikinandado niyang muli ang mga bintana nang nakasigurong malayong makapasok sa kabahayan ang tubig-ulan.
Maya-maya ay binuksan niyang muli ang naempakeng bagahe ng mga pasalubong. Binawasan niya ang ipapasalubong sapagkat naalala niyang nangibang bayan na ang ilang kamag-anak na gusto sana niyang sorpresahin. Matapos isara ay binuksan niyang muli ang bagahe sapagkat naalala niyang nakabalik na nga pala sa siyudad nila ang nangibang bansang pinsan niya.
Matapos isara ang bagahe ay tiningnan naman niya ang mga koneksiyon ng ilaw nila. Sinindihan, pinatay niya ang ilaw. Minabuti niyang tanggalan muna ng koneksiyon ang kuryente upang makasigurong hindi ito simulan ng sunog. Sindi, patay, sindi.
Sa kabubukas at kasasara ng mga bagahe at sa kabubukas at kasasara ng kandado at sa kapapatay at kasisindi ng ilaw at sa kasusuri sa mga koneksiyon ng kuryente ay inabot ng hapon sa paghahanda ang manlalakbay.
Nang makita nito ang kukurap-kurap na Aso ay galit na galit itong sumigaw.
"Buwisit na aso ka. Pagod na ako sa kahahanda sa pag-alis natin. Hayan at kukurap-kurap ka lamang sa pagkakaupo mo sa sulok."
Tumindig ang Aso at tumingin-tingin sa paligid. Umirap ito sa amo na para bang naghihinanakit na nagsasabing, "Kanina pa ngang umaga ako handang maglakbay. Pero pinaghintay ninyo ako nang napakatagal."
Sign up here with your email
ConversionConversion EmoticonEmoticon