Print Friendly and PDF

Ang Mayabang na Palaka

Ang Mayabang na Palaka


Ang Mayabang na PalakaMay mag-anak na palaka na masayang naninirahan sa isang sulok ng bukid. Si Amang Palaka ay isang mabuting ama. Ngunit ito ay may kayabangan. Palagi nitong ipinagmamalaki ang kanyang sarili.


"Ako ang pinakamalaki. Tingnan mo ang katawan ko," buong pagmamalaking sabi nito.


"Oo nga! Ama, ang laki-laki mo!" humahangang sabi ng anak.


Minsan ay namasyal ang Batang Palaka. Nakakita siya ng kalabaw. Iyon ang unang pagkakataon na nakakita siya ng kalabaw. Nalibang siya sa kakatingin dito kaya't matagal bago niya naisipang umuwi na.


"Saan ka ba galing? Ang tagal-tagal mong nawala," tanong ni Inang Palaka pagkakita kay Batang Palaka.


"Namasyal ako, Ina. Marami akong nakita sa labas. May katulad din natin," sagot ni Batang Palaka.


"Anong katulad natin?" tanong naman ni Amang Palaka.


"Kapareho natin, Ama. Apat din ang paa. Kaya lang..." ang mahinang tugon ni Batang Palaka.


"Anong kaya lang? Sige, ituloy mo," udyok ni Amang Palaka.


"Akala ko sabi n'yo, kayo ang pinakamalaki," ang may pagtatakang himig ng anak.


"Bakit? Ako naman talaga ang pinakamalaki sa lahat ng palaka rito sa atin, a," sagot naman ng ama.


"May nakita ako, Ama. Mas malaki sa iyo at may sungay pa!" ang bulalas ni Batang Palaka.


"Ano? Hindi maaari iyon!" malakas na sigaw ng ama.


"Totoo, Ama. Napakalaki niya," mahinang sagot ni Batang Palaka.


Pinalaki ni Amang Palaka ang kanyang tiyan.


"Ganito ba kalaki?" tanong ng ama sa anak.


"Malaki pa riyan, Ama," sagot ng anak.


Pinuno ng hangin ni Amang Palaka ang kanyang tiyan.


"Ganito ba?" tanong muli ni Amang Palaka.


"Hindi, Ama. Malaking-malaki pa riyan," sagot naman ni Batang Palaka.


At pinuno nang pinuno ng hangin ni Amang Palaka ang kanyang tiyan. Hanggang sa pumutok ang tiyan ng mayabahg na palaka.

Previous
Next Post »