Ang Tigre at ang Leopardo
Minsang naghahanap ng makakain ang Tigre at Leopardo ay natanawan nila sa damuhan ang naglalarong Kuneho.
"Akin ang Kuneho. Ako ang unang nakakita rito!" sigaw ng Leopardo.
"Hindi. Ako ang unang nakaamoy sa Kuneho kaya may karapatan ako dito."
Nang malaman ng Kunehong siya ang pinagtatalunan ng dalawang may matutulis na mga kuko ay hinimatay na ito.
Habang nakalatag sa damuhan ang Kunehong pinag-aawayan ay lalong ginutom ang dalawang gahaman.
"Sa akin dapat mapunta ang Kuneho!" pagmamatigas ng Leopardo.
"Humakbang ka muna sa katawan ko kapag namatay na ako!" pagyayabang ng Tigreng handa nang makipagsakmalan upang masagot lang ang tinding kagutuman.
"Gutum na gutom na ang Leopardong dapat na saluduhan mo. Akin ang Kunehong tatanghalian ko!"
"Huwag ka nang magsalita pa. Tigre akong handang makipagtagisan ng lakas sa lakas, ng tapang sa tapang."
Dali-daling sinakmal ng Leopardo ang leeg ng Tigre. Nagdadamba ang Tigre na kumagat sa mga mata ng Leopardo. Pinagkakalmot ng Leopardo ang Tigre sa ilong, sa tenga at sa braso. Parehong duguan ang dalawa. Kuko sa kuko. Pangil sa pangil. Pagulung-gulong sila sa damuhan. Ingungudngod ang Leopardo sa batuhan. Ilalampaso naman ang Tigre sa buhanginan.
Parehong sugatan ang Leopardo at Tigre sa labanang matira ang matibay. Humihingal na sila. Ang mga mukha nila ay pawisan at duguan. Pero patuloy sila sa tunggalian.
Lingid sa dalawang mandirigma ay nagising na ang hinimatay. Nang malamang hindi pa pala siya ginagawang pananghalian ay dali-daling tumayo ang Kuneho. Kumaripas ito nang takbo palayo sa naglalaban.
"Mag-away na sila hanggang kamatayan pero kailangang pangalagaan ko ang sariling kaligtasan."
Aral: Ang kapalaluan ay dapat na iwasan.
Sign up here with your email
ConversionConversion EmoticonEmoticon