Print Friendly and PDF

Mga Pusa Laban Sa Mga Daga

Mga Pusa Laban Sa Mga Daga


Mga Pusa Laban Sa Mga DagaMatagal nang magkaaway ang mga Pusa at ang mga Daga. Lagi at laging nananalo sa labanan ang mga Pusa. Una, malalaking di hamak ang mga Pusa. Pangalawa, nakuha raw nila ang husay sa pakikidigma ng mga Tigreng kalahi nila.


Nagpulung-pulong ang mga Daga.


"Wala sa laki yan," sabi ng mga Dagang Siyudad.


"Nasa tapang at bilis yan," giit ng mga Dagang Lalawigan.


"Nasa istratehiya ng pakikidigma ang susi," diin ng mga Dagang Kosta.


"Tama. Tama. Kailangan ang preparasyon sa labanan!" dugtong ng mga Bubuwit.


"Maghanda! Maghanda!" sigaw ng lahat sa Dagalandia.


Naghanda nga ang mga Daga. Napagkaisahan nilang pumili ng apat na heneral na mangunguna sa pakikidigma. Naniniwala ang mga Daga na dapat unahin ang mga kasuotang pandigma upang mapaganda ang porma ng mga lalaban. Kaunting panahon lang ang ginawa nila upang mapabuti ang sistema ng pagsalakay sa mga kaaway. Binuo nila ang loob upang magtagumpay.


Ang apat na heneral ay binigyan ng sapat na awtoridad upang pamunuan ang apat na batalyong Daga. Tiniyak ng mga Daga na ang mga heneral ay nabihisan ng kagalang-galang na kasuotan na napapalamutian ng nagkikinangang medaiyong pandigmaan.


Pinagsikapan din ng mga Dagang masuotan ang mga heneral ng mga sumbrerong panlaban na may plumahe at makikinang na adornong kaakit-akit sa nagliliwanag na putukan.


Nang magsimula ang pagsalakay ay nawalan ng panimbang ang mga sundalo ng Dagalandia. Malaking problema sa apat na heneral ang sumbrero nila na sa taas ng plumahe at kinang ng mga adornong nagliliwanag sa putukan ay inaasinta ng mga kalaban.


Naging problema rin ng mga heneral ang mga medalyong pandigmaang nakakabit sa kanilang mga kasuotan. Ang malalapad na medalyon ay sumasabit sa mga kamay ng mga heneral. Problema ang mga medalyon kapag itinuturo na kung sinu-sino ang dapat paputukan at kung kailan dapat pasabugin ang kanyon sa mga kalaban.


Tulad ng dapat asahan, maraming mga Daga ang naging talunan. Ang apat na heneral na maganda ang porma sa pakikipagdigmaan ay nasawi sa kakulangan sa sistema ng pakikipaglaban.


Ilan lamang ang nakabalik sa kani-kanilang lunggang pinagtataguan. Mabuti na lamang at hindi sila inabutan ng mga Pusang handa ring pumatay.


Aral: Sa anumang laban, bigyang tuon ang pinakamahahalagang bagay na ikapapanalo ng koponan.

Previous
Next Post »