Print Friendly and PDF

Alamat ng Kalabasa

Alamat ng Kalabasa

Si Kuwala ay anak ni Aling Disyang, isang mahirap na maggugulay. Maliit pa siyang bata nang mamatay ang ama at tanging ang ina ang nagpalaki sa kanya.

Mabait si Kuwala. Maliit pa ay mahilig na siyang tumingin sa mga larawang nasa libro at nang matuto ay pagbabasa ang naging libangan.

Basa siya ng basa. Walang oras na hindi siya nagbabasa. Binansagan tuloy siyang Kuwalang basa nang basa.

Matalino ang anak kaya nagsikap si Aling Disyang para matustusan ang anak. Si Kuwala naman ay higit na pinagbuti ang pag-aaral.

Tag-ulan noon nang isang hapon ay umuwi si Kuwala na mataas na mataas ang lagnat. Inirireklamo niya ang mahirap na paglunok. Nagsuka rin siya nang nagsuka. Palibhasa ay walang pera, hindi agad nadala ni Aling Disyang sa doktor ang anak. Nang masuri ito ng doktor ay malala na ang kondisyon.

Paralytic poliomyelitis ang umatake sa mahinang resistensiya ni Kuwala. Naging mabilis ang pagpasok nito sa katawan niya at agad siyang naparalisa. Ilang linggo makaraan ay binawian ng buhay ang kawawang bata.

Hindi matanggap ni Aling Disyang ang sinapit ni Kuwala. Upang maibsan ang lungkot ay inubos niya ang panahon sa pag-aasikaso ng mga tanim na gulay.

May kakaibang halamang tumubo at nagbunga sa pataniman ni Aling Disyang. Bilog ang bunga noon na kulay dilaw ang loob. Natuklasan ng mga kumain ng gulay na may bitamina itong nagpapalinaw ng mata.

May isang nagtanong kung saan galing ang halamang iyon. Ang sabi ng tinanong ay kina Kuwalang basa nang basa. Nagpasalin-salin iyon sa maraming mga bibig hanggang kalaunan ay naging kalabasa.
Previous
Next Post »