Print Friendly and PDF

Talambuhay ni Andres Bonifacio

Talambuhay ni Andres Bonifacio


Andres BonifacioAng kahirapan sa buhay ay di dapat maging hadlang sa ating pagmamahal sa bayan.


Ang kahirapan sa buhay ay maaaring gawing tuntungan upang maabot natin ang tagumpay. Iyan ang ginawa ni Andres Bonifacio na kahit ipinanganak na maralita ay nagsikap namang matapat na magmahal sa bayan na naging pasaporte niya sa kabayanihan.


Ipinanganak si Andres sa Tondo, Maynila noong Nobyembre 30, 1863. Ama niya si Santiago Bonifacio na isang sastre. Ina naman niya si Catalina de Castro na isang masipag na maybahay. Katorse anyos pa lamang nang maulila si Andres. Nagdesisyon siyang magpaalam kay Don Guillermo Osmena na guro niya sa paaralang primarya. Bilang panganay sa anim na magkakapatid, napilitan siyang manguna sa trabaho upang buhayin lamang ang pamilya.


Kasama ang mga kapatid na sina Ciriaco, Procopio, Troadio, Espiridiona at Maxima, gumawa at naglako sila ng mga tungkod na kawayan at papel na pamaypay sa mga lansangan upang may makain lamang. Hindi sapat ang kanilang kinikita kaya namasukan si Andres bilang klerk-mensahero ng Fleming and Company. Nang hindi pa sumapat ang sahod ay lumipat siya sa malaki-laking Freshell and Company.


Kahit primarya lang ang natapos ay sinikap ni Andres na hubugin ang sariling isip. Sinikap niyang unawain ang kalagayang pulitikal ng kaniyang paligid sa pamamagitan ng pagbabasa. Kahit batang bata pa ay nabasa at naunawaan na niya ang aklat na kasaysayan ng Rebolusyong Pranses. Sinasabing ang kaniyang tirahan ay kakikitaan mo ng mga aklat na Noli Me Tangere, El Filibusterismo, The Wandering Jew at Les Miserables.


Ang malawak na kaalamang pandigmaan ang maaaring naging dahilan upang pasukin ni Andres ang makabayang gawaing pag-aalsa laban sa mga Espanyol. Kasama sina Deodato Arellano, Ladislaw Diwa, Teodoro Plata, Valentin Diaz at Jose Dizon, itinatag ni Andres ang "Katipunan" sa 72 Calle Azcaraga noong Hulyo 7, 1892.


Upang mabigyan ng katarungan ang inaping mga Pilipino, naging layunin ni Andres at ng mga kasama niyang katipunero na pagbuklurin sa iisang bansa ang mga Pilipino at tamuhin ang kalayaan sa pamamagitan ng pakikipaglaban.


Sa pakikibaka sa buhay, kasa-kasama ni Andres ang kaniyang naging maybahay na si Gregoria de Jesus.


Ipinakita ni Andres ang kaniyang tapang sa maraming pamumuno sa mga katipunero at mismong pakikipagdigmaan sa mga mapang-aping kalaban.


Dahil sa isang alitan tugkol sa organisasyong pulitikal matapos mabunyag ang Katipunan, nahalal si Emilio Aguinaldo sa Cavite at nawalang halaga ang mga pagsisikap ni Andres bilang rebolusyonaryo. Sa sama ng loob ay nagplano si Andres na magbalik sa Montalban. Pinadakip siya ng bagong halal na Pangulong Aguinaldo at iniharap sa isang korte militar. Hinatulan si Andres na mamatay. Nang muling pag-aralan ang kaso ni Andres ay planong ipatapon na lang sa malayong lugar ang nagtatag ng Katipunan. Sa payo ng ilan na baka magtayo ito ng ibang pamahalaan, ipinatupad na lamang ang hatol na kamatayan.


Noong Mayo 10, 1897, si Andres na inilabas sa kulungan ay pinatay sa Mt. Buntis sa Maragondon, Cavite. Binaril ito ng mga sundalo sa ilalim ng pamamahala ni Koronel Lazaro Macapagal.


Ang pangalang Andres at Katipunan ay iisa. Walang KKK kung walang Andres. Ang mga kaisipang pagpapalaya ay isinagawa ng isang tunay na rebolusyonaryo sa matapang na katauhan ng nag-iisang si Andres Bonifacio.

Previous
Next Post »