Print Friendly and PDF

Alamat ng Kamote

Alamat ng Kamote

Ilang daang taon na ang nakalipas nang magkaroon ng matinding tagtuyot sa mundo. Mainit ang panahon at walang ulan. Ang mga pananim ay nanuyot at ang mga alagang hayop ay nagkasakit at namatay. Dahil dito, halos walang makain ang mga tao. Nagsipaghanap sila ng mga paraan upang matustusan ang kanilang pangangailangan sa pagkain. Isa sa nahanap nilang paraan ay ang pangangaso.

May isang kagubatan ang hindi naapektuhan ng tagtuyot. Ito ay ang mahiwagang gubat ng Kamu. Wala itong pinagbago at punong-puno pa rin ng likas na yaman. Sagana ang puno at ng mga hayop na puwedeng hulihin upang makain. Dito nagpupunta ang mga taombayan upang mangaso. 

Dalawang magkapatid ang nagpasyang mangaso sa mahiwagang kagubatan. Maagang nagpunta ang magkapatid upang makarami ng mahuhuling hayop. Ngunit kabaliktaran ng kanilang inaasahan, maghahapon na ay wala pa silang nahuhuling kahit isang hayop. 

Gutom na gutom na ang magkapatid kaya’t nagpasya silang magpahinga muna bago umuwi. May nakita silang isang ibon na dumapo sa puno kung saan sila umupo para magpahinga. Agad pinana at tinamaan ng nakatatandang kapatid ang ibon. Gumawa sila ng siga upang iluto ang nahuli. Nang maluto ang ibon at kakainin na sana nila ito ay may lumapit na isang magandang babae. Sinabi ng babae na siya ay naliligaw sa kagubatang iyon at ilang araw ng hindi pa nakakakain. Gutom na gutom na rin daw ito. 

Naawa ang magkapatid sa magandang babae. Bagamat gutom na sila ay ibinigay nila sa kanya ang nilutong ibon. Pinanood nilang kumain ang babae. Kibit labi sila nang ubusin ng magandang babae ang pagkain. 

Pagkatapos kumain ay nagpasalamat ang babae sa magkapatid. Natutuwa daw siya sa kanila dahil nagawa pa nilang ibigay ang nag-iisang pagkain nila sa kanya kahit na sila mismo ay nagugutom na. Pinayuhan niya ang mga ito na umuwi na sa kanilang pamilya. Bumalik na lang daw sila bukas sa lugar ding iyon at may ibibigay siya sa kanila. 

Sinunod ng dalawa ang sinabi ng magandang babae. Umuwi ang magkapatid ngunit sila ay malungkot sapagkat walang bitbit na mailuluto para sa hapunan ng mag-anak. 

Kinabukasan, nagbalik ang magkapatid sa parehas na lugar kung saan nila nakilala ang babae. Ngunit wala dun ang babae na kanilang inaasahan. Hinanap nila ang abo ng kanilang pinagsigaan kung saan nila niluto ang ibon ngunit sa halip ay may nakita silang kakaibang halaman na tumubo sa lugar na iyon. Nagtaka sila sapagkat nakakasiguro silang wala pa ang nasabing halaman kahapon ng sila ang nagpapahinga. Marahil ito na ang sinasabi ng maganda at mahiwagang babae na ibibigay niya sa kanila. 

Ngayon lang nila nakita ang halamang iyon at nang bunutin nila ito ay nakita nila na ang ugat nito ay matataba na parang mga bunga. Nag-uwi sila ng nasabing halaman upang itanong sa mga taombayan kung may nakakaalam sa halamang ito. Ngunit wala ni isa ang makapagsabi kung ano ito. 

Niluto nila ang bunga at tinikman ito. Masarap ang bunga at nakakabusog ito maski konti lamang ang kakainin. Natuwa ang taombayan dahil sa may pantawid gutom na sila hanggang sa matapos ang tagtuyot. Tinawag nilang kamote ang bunga dahil galing ito sa mahiwagang kagubatan ng Kamu.
Previous
Next Post »