Print Friendly and PDF

Talambuhay ni Apolinario Mabini

Talambuhay ni Apolinario Mabini


Apolinario MabiniKahit ka may kapansanan, maaari ka ring maging bayani ng bayan. Ito ay isang katotohanang naganap sa buhay ng isang paralitiko sa katauhan ni Apolinario Mabini.


Si Apolinario ay ipinanganak sa Tanauan, Batangas noong Hulyo 23, 1864. Kapwa magsasaka ang kanyang ama at ina na sina Inocencio Mabini at Dionisia Maranan.


Bata pa lang ay kinakitaan na siya ng katalinuhan. Kahit mahirap lang ay nabigyan siya ng pagkakataong makapag-aral nang maipasa ang pagsusulit sa Kolehiyo de San Juan de Letran. Kahit na libre sa pag-aaral, kailangan din niyang bumili ng pagkain, uniporme at kagamitan. Napilitan siyang magturo ng Latin sa mga pribadong paaralan sa Maynila, Bauan at Lipa.


Nang matagumpay niyang natapos ang Bachelor of Arts ay ipinagpatuloy niya ang pag-aaral ng Bachelor of Laws sa Unibersidad ng Santo Tomas. Malaki ang gastusin ni Apolinario bilang estudyante ng abugasya kaya namasukan siyang istenograper sa Court of First Instance at klerk sa Intendencia General.


Ang pag-ibig sa bansa ang dahilan kaya muli niyang binuhay ang "La Liga Filipina" noong 1863. Nang halinhan ito ng Cuerpo de Compromisarios noong 1864 ay nahalal si Apolinario bilang Sekretaryo ng organisasyon. Ang nabanggit na samahan ay naglayong magbigay ng moral at pinansyal na tulong sa mga propagandistang Pilipino sa Espanya.


Kahit hati ang sarili sa pag-aaral, pagtatrabaho at pagtulong sa propaganda, nakuha pa ring matagumpay na matapos ni Apolinario ang abugasya noong 1895.


Habang namamasukan bilang notario publico, dinapuan ng napakataas na lagnat si Apolinario na nauwi sa pagkakasakit niya ng polio. Kahit na may sakit, nagpatuloy siya sa pagtulong sa mga rebolusyonaryo.


Nang malaman ng mga Guardia Civil ang pakikisangkot niya sa pagpapalaya ng bansa ay inaresto ang "Dakilang Paralitiko." Kung hindi sa kaniyang karamdaman, maaaring naparusahan siya ng kamatayan. Sa mismong Ospital ng San Juan de Dios kung saan siya ginagamot pinamalagi siya bilang bihag.


Matapos palayain, pansamantala siyang nanirahan sa Laguna upang maglunoy paminsan-minsan sa maligamgam na mga batis ng Los Banos.


Ang talino sa batas ay nabigyang diin ni Apolinario nang sumulat siya ng isang artikulo para sa mga lider rebolusyonaryo. Ang nasabing manifesto ay nagpapahalaga sa pagtindig ng Pilipinas bilang isang malayang bansa kung matatalo ng Estados Unidos ang Espanya sa digmaan nilang dalawa. Sa husay ng mga paliwanag ay ipinasundo ni Pangulong Aguinaldo si Apolinario at ginawa niya itong tagapayo.


Isa sa mga mahuhusay na payo ni Apolinario kay Pangulong Aguinaldo ay ang pagpapalit ng porma ng gobyerno. Mula diktaturya, naging rebolusyonaryo ang porma ng pamahalaan ng Pilipinas. Ipinaorganisa ni Apolinario ang mga lalawigan, munisipalidad, hukuman at pulisya.


Nagsilbi si Apolinario bilang Pangulo sa Konseho ng mga Kalihim. Hinirang siya sa Pamahalaang Aguinaldo bilang Kalihim Panlabas.


Si Apolinario rin ang pinasulat sa maraming alituntuning dapat ipatupad sa buong bansa.


Dalawa sa mga mahahalagang dokumentong naiambag ni Apolinario ang El Verdadero Decalogo at Programa Constitucional de la Republica Filipina. Ang Decalogo ay naglalayong gisingin ang damdamin ng mga Pilipino. Samantala, ang Programa Constitucional ay naglalayong isulat ang isang konstitusyong susundin ng mga Pilipino upang malaman nila ang kanilang mga karapatan at obligasyon bilang mga mamamayan.


Nang matuloy ang giyera Pilipino-Amerikano, inilikas si Apolinario sa Cuyapo, Nueva Ecija kung saan nasundan siya ng mga Amerikano. Dalawang taon din siyang naging bihag pandigmaan.


Matapos palayain, tumira ang Dakilang Paralitiko sa isang maliit na dampa sa Nagtahan, Maynila. Sa sobrang pagmamahal sa Pilipinas, sumulat sa pahayagang El Liberal ang matalinong abugado. Ang mga makabayang opinyon niya ang naging dahilan upang ipatapon si Apolinario sa Guam.


Isang mataas na posisyong pampamahalaan ang ibinibigay kay Apolinario ng Pamahalaang Amerikano pero tinalikuran ito ng Dakilang Paralitiko. Minarapat niyang mamalagi sa kaniyang munting dampa na malaya kahit maralita.


Namatay si Apolinario Mabini noong Mayo 13, 1903 na isang dakilang Pilipinong hinahangaan sa buong mundo.

Previous
Next Post »