Print Friendly and PDF

Alamat ng Makahiya

Alamat ng Makahiya

Kapwa mabait ang mag-asawang Mang Dodong at Aling Iska. Si Mang Dodong ay magbubukid at si Aling Iska ay burdadora. Pareho silang masisipag. Sumisikat pa lang ang araw ay gising na sila. Matapos na matapos kumain at makapagpahinga ay nagpupunta kaagad sa bukid si Mang Dodong. Si Aling Iska naman ay nagbuburda na kaagad ng mga barong ipinalalako niya sa pamilihan. Maraming napagbibilhan sa palay at binurdahang baro ang mag-asawa. Tahimik at masaya na ang kanilang pamilya.

Ang tanging problema lang ng mag-asawa ay ang nag-iisa nilang anak na si Maria. Kahit dose anyos na ay mahiyaing-mahiyain pa rin siya. Nagtataka ang mag-asawa gayung madali naman silang makihalubilo sa mga tao ay tila takot sa lahat ang anak nila.

Upang matutong makipamuhay sa mga kababata ay pinakikiusapan nila ang ilang anak ng mga kapitbahay na isama nila si Maria sa pamimingwit ng isda. Pero ang nangyayari, hintay sila nang hintay sa ibaba ng hagdanan na hindi man lang nakikita ang anino ni Maria. Napagmamasdan nilang sisilip lang sa bintana ang dalagita at nahihiyang bumaba at sumama sa kanila.

Kung kaarawan ni Maria ay naghahanda ang mag-asawa at iniimbita ang lahat ng kapitbahay nila. Gusto ni Aling Iska na matutuhan ni Mariang harapin ang mga bisita niya. Gusto ni Mang Dodong na matutong magsilbi sa kapwa si Maria. Pero bigo ang mag-asawa. Hiyang-hiya si Maria kapag nakakakita ng mga tao. Laging nagkukulong sa silid ang dalagita kapag may naririnig na kakaibang yabag ng paa. Ayaw niyang humarap sa mga tao. Higit sa lahat, ayaw niyang kausapin ang mga ito.

Sapagkat lubos na naniniwala ang mga magulang ni Maria na ang pakikisalamuha ay kailangang-kailangan ninuman kaya pilit na pinakikiusapan nilang sumama si Maria sa pagpunta sa bukid o pamimili sa palengke o pamamasyal sa bayan. Nalulungkot ang mag-asawa sapagkat kahit anong paghikayat ay hiyang-hiyang nagkukulong sa silid si Maria. Nag-iiiyak na lang ang dalagita kapag nakagalitan siya ng mga magulang. Hindi naman masaktan ng ama ang anak sapagkat napakabait nito. Ang nasabing galit nina Mang Dodong at Aling Iska ay dagling nawawala kapag nagpunta na sa kaniyang hardin si Maria. Ang nasabing hardin ay makulay na daigdig ni Maria. Umaga at hapon ay naroroon siya. Napapansin ng mag-asawa na masayang-masaya si Maria kapag nagdidilig ng mga halaman. May ngiti siya sa mga labi kapag inaalisan niya ng mga tuyong dahon ang mga sanga. Magaan na magaan ang pakiramdam niya kapag napamumulaklak niya ang mga dalya, sampaguita at kamya.

Kahit sobrang mahiyain si Maria ay mapagmahal naman siya sa ama at ina.

Gusto niyang makatulong sa kabuhayan ng pamilya. Ayaw niyang laging nagtratrabaho sa bukid ang tatay niya. Ayaw din niyang lagi na lang nagbuburda ang nanay niya. Gusto niyang madalas silang magkakasama.

"Marami po akong mapamumulaklak na rosas, Inay. Maaari pong ipatinda ninyo sa ating kapitbahay."

"Kahapon ay krisantemo, ngayon ay rosas naman. Natutuwa ako sa iyo Maria. Talagang ibinubuhos mo ang matapat na pagmamahal sa mga halaman mo kaya siguro madaling mamulaklak ang mga ito!"

"Totoo po iyan Inay. Kinakausap ko po ang mga bulaklak na iyan. Kahit di sila sumasagot ay naiintindihan nilang gusto ko silang magandang mamulaklak.''

"Hay naku Maria, sana ay ganyan din ang pakikitungo mo sa kapwa mo. Tanggalin mo sana yang hiya-hiya sa katauhan mo!"

Napayuko si Maria at tumulo na lang ang mga luha nito. Hindi niya maipaliwanag kung bakit hirap na hirap siyang makiharap sa kapwa tao.

Isang umaga ay ginimbal ng isang balita sina Maria.

Sinalakay daw ng mga huramentadong tulisan ang kalapit bayan nila.

Lahat daw ng bahay ay pinagnakawan at marami ang napatay. Nabagabag si Mang Dodong at Aling Iska. Natitiyak nilang sasalakayin din ng mga walang patawad na tulisan ang baranggay nila. Hindi nga sila nagkamali. May mga malalakas na yabag ng mga tumatakbong kabayo mula sa kalayuan. Sakay nila ang mga ganid na tulisan. Tulad sa inaasahang makahayop na pag-uugali ng mga mamatay tao ay hinalughog nila nang walang paalam ang buong kabahayan.

"Sige, buksan mo ang baul na iyan!" utos ng mga mandarambong sa ama ni Maria.

"Parang awa na ninyo. Matagal po naming inipon ang salaping ito." niyakap ni Mang Dodong ang inipong pera na nakabalumbon sa isang pirasong tela.

"Ano bang ipun-ipon. Akin na yan." sabay pukpok ng sandata na ikinatumba at ikinawalang malay ng magsasaka. Nang itatarak ang gulok sa patpating katawan ni Mang Dodong ay nagsisigaw si Aling Iska.

"Maawa po kayo," lumuluhang nagmakaawa ang nanay ni Maria. "Inyo na po lahat ang pera at kaunting alahas na ito. Huwag lang ninyong patayin ang asawa ko, maawa po kayo!"

Nang makita ang inaabot na alahas ay hinablot ito sa nanginginig na ina ni Maria.

"May anak ka raw na nagtatanim ng maraming bulaklak. Tiyak na marami rin siyang pera."

Naglulumuhod sa pagmamakaawa si Aling Iska. Nang akmang lalabas ang mga tulisan upang magpunta sa halamanan ay humalang si Aling Iska. Sa inis ng mga ganid ay naitulak nila ang kaawa-awang burdadora na ikinatumba at ikinawalan nito ng malay.

Pinaghahanap ng mga tulisan ang balitang eagapag-alaga ng hardin pero bigo sila sapagkat kahit anino ni Maria ay di nila nakita.

Sa nakapapagod na paghahanap ay umalis na inis na inis ang mga tulisan. Nang pagbalikan ng ulirat ang kaawa-awang mag-asawa ay dali-dali silang nagpunta sa pinagtataguang halamanan. Nagtataka sila kung bakit wala roon si Maria. Sa paikut-ikot na paghahanap ay nagulat sila nang matusok sa paa ng kung anong matulis na bagay. Napansin nila na tinik pala iyon.

Ta...parang nahihiyang tumikom!" sabi ni Mang Dodong.

Napaluhod sa bagong katutubong halaman si Aling Iska.

"I... ito si Maria na nawawala nating anak."

Ang halamang parang nahihiyang tumitikom kapag nasagi ninuman ay inalagaan ng mag-asawa hanggang sa mamulaklak ng kulay lila.

Ang halamang nahihiya ay tinawag na Mariang Nahihiya na naging Mariang Makahiya na ngayon ay kilala sa katawagang Makahiya.

Iyan ang pinagmulan ng Alamat ng Makahiya.
Previous
Next Post »