Print Friendly and PDF

Talambuhay ni Jose Abad Santos

Talambuhay ni Jose Abad Santos


Jose Abad SantosAng tunay na kabayanihan ay matapat na paghahandog ng sariling buhay alang-alang sa ikararangal ng bayan. Iyan ang ginawa ng dating Chief Justice of the Supreme Court na si Jose Abad Santos nang kailanganing magdesisyon siya noong Panahon ng Hapon.


Si Jose ay ipinanganak noong Pebrero 19, 1886 sa San Fernando, Pampanga. Sina Vicente Abad Santos at Toribia Basco ang mga magulang niya.


Nag-aral siya ng elementarya sa Pribadong Paaralan ni Roman Velez sa Bacolor at ng sekundarya sa Paaralang Publiko ng San Fernando.


Noong 1904 ay ipinadala si Jose bilang pensionado sa Amerika. Nag-aral siya sa Kolehiyo ng Santa Gara. Ang abugasya ay pinasimulan niya sa University of Illinois at tinapos sa Northwestern University noong 1908. Sa kahusayang mag-aral, tinanggap niya ang Master of Laws sa George Washington University noong 1909.


Upang makapagsilbi sa mga kababayan, pagkabalik niya ay nagtrabaho siya sa pamahalaan. Naging pansamantalang klerk siya sa Archives Division at nataas bilang klerk sa Bureau of Justice. Matapos makapasa sa Philippine Bar noong 1911 ay naging court interpreter siya.


Sa husay na ipinakita ay nagsimula siyang maging special attorney sa Philippine National Bank.


Ang magandang pagkakataon ay dumating kay Jose nang mapili siyang isa sa anim na tagapayong teknikal ng unang Parliamentary Independence Mission sa Estados Unidos.


Sa nasabing misyon, kinakitaan ng husay at talino sa liderato si Jose. Ito ang dahilan kaya sa pagbabalik sa Pilipinas ay pinili siyang maging Undersecretary of Justice ni Gobernador Heneral Leonard Wood noong 1922. Sa sistematikong pamamaraan sa paghawak ng hustisya, tatlong ulit siyang nahirang na Secretary of Justice.


Ang oras ng pagtaas niya sa pusisyong Justice of the Supreme Court ay ipinagbunyi ng lahat nang manumpa siya sa tungkulin noong Disyembre 24, 1941.


Bukod sa pagiging Chief Justice, ibinigay din sa kanya ang mga katungkulang Secretary of Justice at Acting Secretary of Finance, Agriculture and Commerce sa Pamahalaang Quezon.


Nang ilikas si Pangulong Quezon sa Washington DC upang itayo ang Commonwealth Government in Exile naging pangkalahatang tagapamahala siya ng pamahalaan.


Sa kasamaang palad ay hinuli si Jose ng mga Hapon nang magtungo siya sa Cebu. Pinipilit siyang patalikurin sa Estados Unidos at makipag-usap kay Heneral Manuel Roxas.


Pinanindigan ni Joseng mamarapatin pa niyang mamatay kaysa talikuran ang Estados Unidos at Pilipinas.


Hindi nagustuhan ng mga Hapon ang naging paniniwala ni Jose kaya nagplano silang patayin siya sa Lanao del Sur.


Bago patayin ay binigyan ng pagkakataon si Joseng makaharap ang anak niyang si Pepito. Nang makitang umiiyak ang anak ay tinapik ito sa balikat, itinaas ang mukhang basang-basa ng luha at nagwikang:


"Huwag kang umiyak, Pepito. Ipakita mo sa mga taong nakapaligid sa atin na matapang ka at marangal. Magandang pagkakataong iaalay ko ang buhay ko sa bayan. Hindi lahat ay nabibigyan ng dakilang pagkakataong ito."


Matapos lumuhod at mataimtim na nagdasal ay nagyakap nang mahigpit ang mag-ama.


Makalipas ang ilang sandali ay narinig ni Pepito ang ilang malalakas na putok ng baril. Alam niyang isang dakilang bayani ang binawian ng buhay. Mariing napakagat ng labi ang bata pero nang itaas niya ang mukha ay wala ritong mababakas na luha. Mariing kinagat ni Pepito ang mga labi at tumindig bilang isang marangal na Pilipino.


Alas dos ng hapon noong Mayo 2, 1942 nang mamatay si Jose Abad Santos. Pumanaw siyang sinasaluduhan ng lahat sa nag-uumapaw na pagmamahal sa bayan.

Previous
Next Post »