Print Friendly and PDF

Alamat ng mga Bituin

Alamat ng mga Bituin 

Noong unang panahon, walang makikitang buwan o mga bituin sa kalangitan upang magbigay ng liwanag sa gabi. Si Haring Buwan ay naninirahan pa noon sa lupa. Kilala siya bilang isang mahigpit at di pala-ngiting hari. 

Wala pang asawa ang hari sapagkat ito ay mapili. Marami nang mga hari ang ninais na ipakasal ang kanilang mga anak na dalaga kay Haring Buwan wala ni isa dito ang nagustuhan niya. 

Sa di kalayuan sa kaharian ni Haring Buwan ay may isang mag-asawa na may magandang anak na dalaga na nagngangalang Aurora. Ang dalaga ay hindi lamang maganda, ito rin ay mabait at matulungin. 

Napag-alaman ni Haring Buwan ang tungkol sa magandang dalaga kaya’t dali-dali itong pinuntahan ang bahay ng mag-anak. Nabighani ang hari sa dalaga at iniutos nito na mag-pakasal sila ng dalaga. Tumangi ang dalaga sapagkat meron na itong kasintahan. Ngunit walang silbi ang pagtanggi nito sapagkat iniutos ng hari na kapag hindi papakasal ang dalaga sa kanya ay ipapakulong niya ang mga magulang nito. 

Walang nagawa ang dalaga kundi magpakasal sa hari. Binigyan ni Haring Buwan si Aurora ng isang magandang pulseras na gawa sa mga kumikinang na bato bilang regalo sa kanilang pag-iisang dibdib. Ang mga bato ay parang mga munting araw na kumikinang maski sa kalayuan. 

Dinala na nga ni Haring Buwan si Aurora sa kanyang kaharian. Ngunit hindi naging masaya si Aurora sa kaharian kaya’t madalas itong lumalabas upang mamasyal. Napansin ito ni Haring Buwan at naisip nito na baka nakikipagtagpo ang kanyang asawa sa dati nitong kasintahan. 

Pinagbawalan ni Haring Buwan si Aurora na lumabas ng palasyo. Nalungkot si Aurora. Ayaw nitong maglagi sa palasyo ng buong araw kasama ang bugnutin at palasigaw na asawa niya kung kaya’t tumatakas ito sa tuwing natutulog ang asawa ng hapon. 

Ngunit isang hapon nagising ang hari bago makauwi si Aurora at nalaman nito ang ginawang paglabas ng asawa. Inantay nitong dumating si Aurora at pinagalitan. Napagbuhatan ni Haring Araw si Aurora nang sabihin nitong hindi niya mahal ang asawa kung hindi lamang niya ito tinakot na ipakukulong ang mga magulang ay hindi ito magpapakasal sa kanya. 

Tumakbo palayo si Aurora. Iiwanan na daw niya ang masungit na asawa. Hinabol siya ni Haring Buwan na humihingi ng tawad sa kanya. Nahawakan ng hari ang kamay ng asawa ngunit nagpumiglas ito at patuloy na tumakbo. Dahil dito, naputol ang pulseras na ibinigay ng hari sa asawa. 

Umiyak si Haring Buwan at napagtanto nito na mali ang kanyang nagawa sa asawa. Pinulot ni Haring Buwan ang mga makikinang na bato at itinago baka sakaling bumalik pa ang asawa ay muli niya itong ipapagawang pulseras para sa kanya. 

Ngunit hindi na bumalik si Aurora sa kaharian. Nagpakalayo ito kasama ang mga magulang upang hindi na mahanap pa ng hari. Dahil sa lungkot, napagpasyahan ni Haring Buwan na sa langit na lamang maglagi. Kinuha nito ang mga makikinang na mga bato mula sa naputol na pulseras ng asawa at isinaboy ito sa kalawakan. Ang mga ito ay naging mga bituin. Sa gabi, si Haring Buwan ay lumalabas kasama ng mga makikinang na bato nagbabaka sakaling makita ni Aurora ang mga ito at mapag-isipang bumalik sa piling niya.
Previous
Next Post »