Print Friendly and PDF

Talambuhay ni Marcela M Agoncillo

Talambuhay ni Marcela M Agoncillo


Marcela M AgoncilloKapag nakikita nating itinataas ang bandilang Pilipino sa tagdan, nagbabalik sa ating alaala ang dakilang Pilipinang namuno sa pagtahi nito noong panahon ng digmaan. Siya si Marcela M. Agoncillo.


Ipinanganak si Marcela o Cela sa Taal, Batangas noong Hunyo 24, 1859. Si Francisco Marino ang kanyang ama at si Eugenia Coronel naman ang kaniyang ina. Nabibilang sa marangyang pamilya ang mga Marino. Bukod sa mayaman at maganda, aral sa kilos at pananalita si Cela.


Sa Colegio de Santa Catalina siya nag-aral. Natutuhan niya dito ang mga kursong pantahanang kinabibilangan ng pagluluto at pananahi.


Ang kahusayan ni Cela sa mga kursong ito ang naging daan upang siya ay maging punong mananahi ng bandilang ipinagawa sa kaniya ni Emilio Aguinaldo.


Ang kabuuang katauhan ni Cela ay pinangarap na maangkin ng maraming kabinataan. Isa na rito si Felipe Agoncillo na bukod sa makisig at mayaman ay matalinong abugadong tinitingala sa Taal.


Ang katapatan sa iniluluhog na pagmamahal ang unang naging pamantayan ni Cela upang sagutin ang abugado matapos ang napakatagal na panahong panliligaw.


Sinasabing matagal sapagkat huwes na si Felipe Agoncillo nang iharap niya sa altar si Cela. Ang kanilang pagmamahalan ay biniyayaan ng limang anak na babae na pinangalanan nilang Lorenza, Gregoria, Eugenia, Marcela at Maria. Binigyang diin ni Cela na kailangang makatindig sa sarili ang mga anak niya na kung magsisipag-asawa ay di dapat umasa sa mamanahin sa pamilya.


Si Cela ay hangang-hanga sa katapangan ng asawa. Kapag pinupuna ni Felipe ang mga Kastila sa kawalan nila ng katarungan ay lagi at laging sumusuporta si Marcela. Katulad ng ibang Pilipina, ang payo ng ama ay dapat na pakinggan at ang anumang desisyon ng asawa ay dapat na igalang ng kababaihan. Ito ang naging panuntunan ni Cela nang nagdesisyon si Felipeng takasan ang deportasyon sa Jolo at mamalagi sa HongKong bilang propagandista noong 1895.


Hindi makakalimutan ni Cela ang lubos na pagmamahal ng asawa. Isang oras bago umalis ang barko nagsadya pa si Felipe sa kilalang Estrella del Norte upang ibili lang si Cela ng gintong pulseras na may palamuting limang diyamante. Inakala ni Felipe na baka hindi na siya makabalik pa sa bansa niya at sa kaniyang pamilya.


Naghintay lang ng kaunting panahon si Cela at naipagsama niyang sumunod ang mga anak sa bago nilang pakikipaglaban sa mga mapang-api. Ang tahanang itinindig ng mag-asawang Felipe at Cela sa HongKong ay lugar na tagpuan ng maraming propagandistang suko sa langit ang galit sa mga Espanyol.


Bilang resulta ng pansamantalang kapayapaan, Biak na Bato, noong Disyembre 1897, si Felipe at Cela ay nagsilbing punong abala sa pagdalaw ni Heneral Aguinaldo kasama ng apatnapung rebolusyonaryong Pilipino. Si Cela ay itinalaga ni Aguinaldo upang mamuno sa pagtahi ng pambansang bandila. Matapang na tinanggap ni Cela ang hamon ng punong rebolusyonaryo. Para sa Batanguena, isang malaking karangalan ang gumawa ng bandilang sagisag ng kalayaan na kumakatawan sa mga lalawigan ng Luzon, Bisayas at Mindanao. Ang nabanggit na bandila ay limang araw na tinahi sa tahanan ng mga Agoncillo sa 535 Morrison Hill sa HongKong. Ang pagtahi ay pinamunuan ni Cela katulong ang pinakamatanda niyang anak na si Lorenza Agoncillo at ng pamangkin ni Dr. Jose Rizal na si Delfina Herbosa de Natividad.


Ang nabanggit na bandila ni Cela ay bandilang iwinagayway sa tugtog ng Marcha Nacional Filipina nang iproklama ni Aguinaldo ang kalayaan ng Pilipinas sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898.


Ang nasabing bandila ang naging inspirasyon ng mga rebolusyonaryo upang ipagtanggol ang inaapi nilang bansa.


Sa pamamagitan ng bandilang ginawa ni Cela, napagbuklud-buklod niya ang damdamin at pangarap ng mga Pilipino upang tumindig at magproklama sa daigdig na malaya na ngang bansa ang Pilipinas.


Ano ang kinahinatnan ni Cela matapos na makamit ng Pilipinas ang kalayaan sa kamay ng mga Kastila? Namalagi pa si Cela sa HongKong sapagkat naging ambasador pa ang kaniyang asawa. Sa laki ng gastahing pandiplomatiko ni Felipe, nagkahirap-hirap ang kanilang pamilya. Napilitan si Celang magsanla ng mga alahas makabalik lang muli sa Pilipinas.


Maraming pagpapakasakit din ang binalikat ni Marcela Agoncillo. Naririyang isabalikat niya ang trabaho ng isang ama at ina nang mamatay sa Malate ang kaniyang asawa. Naririyang masunog ang kanilang bahay at parang basang sisiw na wala nang mapuntahan. Kapag dumarating ang maririing dagok ng kapalaran, maluwag sa loob na tinatanggap ni Cela ang lahat-lahat. Alam niyang naghihintay lagi ang Taal sa kaniyang pagbabalik.


Para kay Cela, kung naharap niya sa digmaan ang mga Kastila, Amerikano at Hapon, ano pa nga bang suliranin ang hindi niya malalampasan?


Namatay si Cela noong Mayo 30, 1946 sa gulang na 86. Ang hiling niyang itabi ang puntod niya sa libing ng asawa ay natupad.


Kapag nakita ninyong kumakaway-kaway ang bandilang may kulay asul, pula at dilaw sa kaitaasan, alalahanin ninyo ang isang magiting na Pilipinang namuno sa pagtahi nito. Siya si Cela o Marcela Agoncillo ng Taal, Batangas.

Previous
Next Post »