Alamat ng Mindanao - Second Version
Noong araw, nang hindi pa dumarating si Raha Baginda upang ikalat ang mga aral ni Mahoma, ay dadalawang pulutong pa lamang ng mga pulo ang pinaninirahan ng mga tao sa Pilipinas. Ang isa na nasa dakong hilaga ay pinamamahalaan ni Datu Lusong. Si Datu Lusong ay nagtataglay ng pambihirang lakas at tapang.
Siya'y may isang anak na dalagang ang pangalan ay Minda. Si Minda ay maganda, malambing ang tinig, at mabini ang kilos. Humahanga ang lahat ng nakakakita sa kanya.
Sa kalagitnaan naman ng Pilipinas, sa may pulong di-lubhang kalayuan sa pulo ni Datu Lusong, ang namumuno ay isang sultang kilala sa tawag na Datu Bisaya. Siya ay may malakas na hukbo na pinamumunuan ng kanyang anak na si Danaw. Mahal na mahal si Danaw ng kanyang mga kawal dahil sa mabuti siyang magpasunod. At dahil din sa kanyang husay at tapang, lagi silang tagumpay sa mga labanang kanilang dinarayo.
Magkagalit sina Datu Lusong at Datu Bisaya. Madalas silang nagsasagupaan noon pa mang sila'y mga binata pa. Nais ng bawat isa na sakupin ang kaharian ng isa't isa. Ngunit napansin nila na walang mangyayari sa kanilang paglalaban. Nauubos lamang ang kanilang mga kawal. Hindi sila magkatalunan. Dahil dito, minabuti nilang magka-sundo na. Upang maging ganap ang kanilang pagka-kasundo, iminungkahi ni Datu Lusong ang pag-iisang dibdib ng kani-kanilang anak na sina Minda at Danaw.
Malugod namang sumang-ayon si Datu Bisaya. Itinakdang ganapin ang kasal sa isang malaking pulo sa dakong timog. Ang pulong ito ay bago pa lamang nasasakop ni Datu Danaw.
Bago pa lamang nagbibilog ang buwan ay lulan na ng kanilang paraw sina Datu Lusong, Minda, at mga kawal patungo sa pulo na pagdarausan ng kasal. Doon nama'y naghihintay na ang mag-amang Datu Bisaya at Danaw at mga kawal nito.
Nang dumating sila sa pulo ay nagsimula na ang paghahanda. Nagluto sila ng masasarap na pagkain at inilabas ang kanilang mga alak. Idinaos ang kasal matapos na sila'y mag-alay sa kanilang diyos. Masayang-masaya ang lahat. Tumagal ng tatlong araw at tatlong gabi ang kasayahan. Pagkatapos ng pagsasaya ay nagtalumpati si Datu Bisaya.
"Ang pulong ito ay inireregalo ko sa mga bagong kasal. Dito na sila maninirahan. Sinumang may nais sumama sa kanila ay maaari nang maiwan dito. Mula ngayon, ang pulong ito ay tatawaging Minda-Danaw."
Maraming kawal ang nagpaiwan sa pulo kasama ng mga bagong kasal. Doon na sila nanirahan sa pamumuno ni Danaw.
Sa nilakad-lakad ng panahon, ang pangalang Minda-Danaw ay naging Mindanaw. Sa pag-unlad ng wika, ito ay naging Mindanao.
Ngayon, ang Mindanao ay pangalawa sa pinaka-malaking pangkat ng mga pulo sa Pilipinas. Ito'y sagana sa mga likas na yaman.
Sign up here with your email
ConversionConversion EmoticonEmoticon