Print Friendly and PDF

Talambuhay ni Melchora Aquino

Talambuhay ni Melchora Aquino

Melchora Aquino"Bata ka man o matanda, makatutulong ka rin sa iyong bansa."

Iyan ang paniniwala ni Melchora Aquino-Ramos o Tandang Sora na sa gulang na 84 ay buong pusong tumulong at naging inspirasyon ng mga katipunero sa pakikidigma sa mga Kastila.


Si Tandang Sora ay ipinanganak sa Banlat, Caloocan sa National Capital Region. Si Juan Aquino ang ama niya at si Valentina de Aquino naman ang kaniyang ina.


Ang angking kagandahan ni Melchora ay hinahangaan ng kabinataan noong kanyang kabataan. Lagi at laging napipiling mag-Reyna Elena si Sora sa mga Santacrusan.


Relihiyoso rin at mahusay makisalamuha si Sora sa mahihirap man o mayayaman. Sa mga pabasa kung mahal na araw, nangunguna siya sa mga kaibigan sa pag-awit ng pasyon sa mga bahay-bahay.


Nang nasa wastong gulang na upang mag-asawa, napakasal siya sa masigasig niyang manliligaw na si Fulgencio Ramos. Ang pagiging ina ni Sora ay naging mabunga. Anim ang naging anak nila. Kabilang dito sina Juan, Simon, Estefania, Saturnino, Romualdo at Juana. Sapagkat naging tunay na inspirasyon sa tahanan, naganyak ni Sorang pasukin ng asawa ang serbisyo publiko. Dahil dito, tinanghal na "cabesa de barangay" si Ginoong Ramos.


Bagama't masaya ang itinindig na pamilya, nabahiran ito ng lungkot nang pumanaw si Fulgencio. Ang hirap na maging ama at ina ay binalikat ni Sora. Sapagkat may pansariling tapang na harapin ang anumang problema, ang maliit na kabuhayang naiwan ng asawa ay pinagsikapan niyang palakihin sa tulung-tulong na pagsisikap ng kaniyang mga anak.


May katandaan na si Melchora Aquino-Ramos nang itindig ang Katipunan upang lumaban sa mga Kastila na matagal nang umaalipin sa mga Pilipino. Walumpu't apat na taong gulang na siya noon at kilala ng lahat sa tawag na Tandang Sora.


Sa nakikitang kawalan ng katarungan sa lipunan kung saan maraming Pilipino ang napaparusahan gayong wala namang kasalanan, nagtanim ng galit si Tandang Sora sa mga Kastila. Upang maipaghiganti ang mga kababayan, lihim siyang nakipagtulungan sa Katipunan.


Kapag napapagawi sa Banlat ang mga hinahabol na katipunero, itinatago sila ni Tandang Sora sa malaking tindahan ng kaniyang anak na si Juan.


Kapag nauubusan na ng pagkain ang mga katipunero ay saku-sakong bigas ang ipinadadala ni Tandang Sora kay Andres Bonifacio. Upang di gaanong mahalata ang pagtulong, ipinadala ni Tandang Sora ang mga kalabaw niyang pansaka upang may maipang-araro ang mga kaanak ng mga sundalong Pilipino.


Ang pagtulong ni Tandang Sora sa mga katipunero ay walang hinihintay na kabayaran. Para kay Tandang Sora, dapat na tumulong ang bata at matanda, mayaman at mahirap man sa ikalalaya ng lipunan.


May mga Pilipinong doble kara, isang tapat at isang impostor. Sa inggit sa tintamasang kaginhawan sa buhay, may nagbulong sa mga Kastila ng lihim na pagtulong ni Tandang Sora.


Upang makatakas, pinayuhan ni Bonifacio na dalhin kaagad ni Tandang Sora sa Novaliches ang lahat ng kaanak niya. Sumunod si Tandang Sora pero higit na mabibilis ang mga Kastila na nahuli sila sa daan.


Sunud-sunod na imbestigasyon ang naganap. Dinala siya ng mga Kastila sa Pasong Putik, hinatak sa kumbento ng Novaliches at kinaladkad sa Cuartel de Espana. Pero kahit na piliting magsalaysay ng katotohanan ay walang narinig na anuman kay Tandang Sora. Para sa matanda, ang lihim na pagtulong sa mga katipunerong kababayan ay sagradong sikretong dapat pangalagaan.


Sa sobrang galit ng mga Kastila, ipinatapon si Tandang Sora sa Guam sakay ng bapor na Compania Maritima. Ininda ni Tandang Sora ang paglayo niya sa bansang minamahal pero naniniwala siyang dapat lang harapin ang anumang bagay na dumarating sa ating buhay.


Matapos ang digmaan nakabalik si Tandang Sora sa kaniyang bansa sakay ng barkong S.S. Uranus.


Bagama't wala na ang karangyaan ng buhay na dati'y tinatamasa, nagmistulang pulubi si Tandang Sora sa pagbabalik niya sa Banlat. Kahit na mahirap, naniniwala pa rin siyang marangya at maligaya siya kung kasama ang mga kaanak at kababayan sa bansang kaniyang sinilangan.


Namatay si Melchora Aquino-Ramos noong Marso 12, 1919. Inilibing siya sa Musoleo ng mga Beterano ng Rebolusyong Pilipino sa Cementerio del Norte.

Previous
Next Post »