Print Friendly and PDF

Alamat Ng Mirasol

Alamat Ng Mirasol

Sa tropiko, isang karaniwang tanawin ang magandang bulaklak na kulay kahel. Ito ang bulaklak ng mirasol (sunflower) na may itina-tagong magandang alamat na hinggil sa isang malungkot na kasaysayan ng pag-ibig.

Ayon sa nasabing alamat, isang liblib na bayan, maraming dantaon na ang nakaraan may mga nilalang na kapuwa tapat sa pagmamahal. Ang babae ay si Noronia, anak ng isang sultan, at ang kanyang kasintahan ay si Gamaluddin, isang karaniwang mamamayan. Dahil sa agwat ng kanilang katayuan sa buhay, pinagbawalan ng sultan na magkita ang dalawa. Tiniyak ng sultan na ang kanyang utos ay susundin o di kaya'y gagawaran ng kamatayan ang dalawa.

Isang araw, nakatakas si Noronia sa masusing pagbabantay ng kanyang ama. Nakipagkita siyang muli kay Gamaluddin sa tipanan sa ilalim ng isang talon. Pagkakita sa kanyang mahal, umiyak at sumubsob si Noronia sa dibdib ni Gamaluddin at nagsabi, "Tandaan mo, mahal ko, mamatamisin ko pang mamatay kaysa mawala sa piling mo."

Labis na nasiyahan ang binata at sumagot, "Ako man, irog ko, iibigin ko pa ring mamatay kaysa mawala ka sa akin!"

Habang sila'y nagyayakap, tinanaw ni Noronia ang ituktok ng bundok at sinabi kay Gamaluddin, "Kung ako'y wala na, hanapin mo ako sa ituktok ng bundok na yaon at masdan mo ang araw mula sa pagsikat hanggang sa paglubog nito. Darating ako sa iyo sa pamamagitan ng kanyang maapoy na halik. Ipinangako ni Gamaluddin kay Noronia na susundin niya ang nais nito.

Nabatid ng sultan ang pagtatagpo ng magkasintahan at gayon na lamang ang kanyang galit. Sukat iyon upang ipag-utos niyang ipatapon si Gamaluddin sa isang malayong pulo sa kabila ng karagatan.

Labis na nagdamdam si Noronia at siya'y naratay sa banig ng karamdaman. Siya'y nanghina, naging malungkutin at sa tuwina'y sakbibi ng kawalang-pag-asa.

Sa pamamagitan ng isang tapat na alipin, nakatakas si Noronia sa palasyo. Sinapit niya ang dalampasigan at mula rito ay tinanaw ang pulo sa kabilang ibayo ng dagat. Matapos siyang makapagtipon ng lakas at samantalang iniisip kung itutuloy o hindi ang kanyang binabalak, tumalon siya sa dagat at lumangoy patungo sa pulong kjnaroroonan ng kanyang minamahal na ipinatapon upang doon mamatay.

Sa kabila ng taglay na karamdaman at malaking pagkapagod, narating ni Noronia ang baybayin ng nasabing pulo. Dito nakita niya si Gamaluddin na ang mga kamay at paa ay nangakatali sa isang malaking puno. Nang may isang dipa na lamang ang layo ni Noronia kay Gamaluddin napahandusay siya sa paanan ng kasintahan at ito'y kanyang niyakap. Sa tnlong ng kanyang nalalabing lakas, kinalagan niya si Gamaluddin. Subalit nang sandaling makalagan na niya ang binatang nakagapos sa loob ng maraming araw, namatay ang kulang-palad na si Noronia.

Sa isang kisap-mata'y isang unos ang dumating sa pulo. Walang malamang gawin si Gamaluddin. Nais niyang iligtas ang bangkay ni Noronia at ilibing ito subali't hindi siya pinahintulutan ng nag-aalim-puyong tubig na sumasalikop sa kanila. Sa tulong ng isang pirasong kahoy, nailigtas ni Gamaluddin ang sarili. Nakaraan ang ilang araw. Nang tumigil na ang bagyo, nabatid na lamang niyang siya'y naanod sa dalampasigan ng pulo.

Isang matandang mangingisda ang sumaklolo at nag-alaga sa kanya hanggang sa siya'y lumakas at makalakad na muli. Ngunit sa kabila ng kanyang kalagayan, walang naging laman ang isip ni Gamaluddin kundi ang yumaong katipan.

Isang araw, nagtungo si Gamaluddin sa ituktok ng bundok na tinukoy ni Noronia na maaaring katagpuan sa kanya mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw. Gayon na lamang ang pagtangis ng binata nang muling magbalik sa kanyang gunita ang masasayang sandaling kanilang pinagsaluhan sa ilalim ng talon. At siya'y napaluhod na waring tanda ng paggalang.

Matapos ang mahabang sandali, isang tinig ang narinig ni Gamaluddin mula sa langit na nagsasabing, "Huwag mo akong tangisan, mahal ko, tatanawin kitang lagi mula sa aking kinalalagyan. Tandaan mong hindi magmamaliw ang aking pag-ibig- iyon ay mananatiling buhay magpakailanman." Sumandaling nagitla si Gamaluddin at tumingala sa dakong pinanggalingan ng tinig. Isang nakasisilaw na liwanag ang dumampi sa kanyang mukha na wari bagang hinahagkan siya.

"Hihintayin kita, mahal ko, mula pagsikat hanggang sa paglubog ng araw," aniya matapos ang ilang sandali. Pagkatapos noon ay isang kidlat na may kasamang kulog ang gumuhit sa langit at sa isang kisap-mata, si Gamaluddin ay unti-unting natunaw at sa pook na kanyang kinatayuan, isang munting buko ang lumitaw.

Dito nagsimula ang bulaklak ng mirasol. Ang munting bukong yaon ay bumukadkad na isang magandang bulaklak, at kung iyong pagmamasdan, mapapansin mong ang mirasol ay bumabaling saan man dako naroon ang araw. Ito nga kaya si Gamaluddin na naghahanap kay Noronia?
Previous
Next Post »