Print Friendly and PDF

Talambuhay ni Teodora Alonzo

Talambuhay ni Teodora Alonzo


Teodora AlonzoMay kasabihang ina ang tuwirang humuhubog sa kaugalian ng isang anak. Kung ang anak ay mapagmahal sa bayan, asahan mong ang ina ay mapagmahal din sa lupang tinubuan.


Si Teodora Alonzo na ina ni Jose Rizal ay ipinanganak sa Maynila noong Nobyembre 9, 1827. Siya ay isa sa limang anak nina Lorenzo Alonzo at Brigida de Guintos na kapwa mayaman at may mataas na pinag-aralan.


Si Orang ay nag-aral sa Colegio de Santa Rosa. Gustung-gusto niyang matutuhan ang lahat na may kinalaman sa sining at syensiya, literatura at matematika.


Beinte anyos si Teodora nang sagutin ang iniluluhog na pag-ibig ni Francisco Mercado. Matapos makasal ay napagkasunduan ng dalawang manirahan sila sa Calamba, Laguna. Ang mag-asawa ay biniyayaan ng labing-isang anak. Si Jose na pampito, ang tanging nagpahirap sa pagdadalangtao ni Teodora. Sinasabing malaki ang ulo ng Pambansang Bayani.


Bilang asawa, masikap na kabiyak ng puso ang dakilang ina. Lagi siyang tumutulong sa pagpapalago ng kanilang kabuhayan. Bukod sa masikap na paghawak ng mga gastusing pang-araw-araw, siya rin ang direktang namamahala ng kanilang pataniman ng mais, palay at tubo. Upang hindi masayang ang bakanteng oras, nagbukas din siya ng tindahan sa silong ng kanilang bahay.


Kahit marami-rami rin namang gawaing pangkabuhayan, hindi kinakalimutan ni Teodora ang mga obligasyong kalakip ng pagiging ina niya. Sinikap ni Orang na maging modelong gabay sa maraming anak niya. Sapagkat labis na mausisa si Jose nang kabataan niya, lagi at laging may laang sagot si Teodora.


Maraming sakripisyong isinabalikat ang ina ni Jose. Una rito ang pagpapalakad sa kaniyang nakayapak mula Calamba hanggang Sta. Cruz. Pinagbintangan siya ng mga Dominiko na kinamkam daw niya ang sariling lupa. Ikalawa rito ang di makatarungang pagpapakulong sa kaniya ng alkalde ng Binan na naniwala sa sabi-sabing pakikialam niya sa suliraning pampamilya ng isang malapit na kamag-anak. Pangatlo rito na sakripisyo ng mga sakripisyo ay nang barilin sa Bagumbayan ang anak niyang si Jose sa bintang na rebelyon at pag-oorganisa ng mga ipinagbabawal na samahan.


Matapos ang digmaan at makamit ng Pilipinas ang kapayapaan ay nagtangkang maghandog ang ating pamahalaan ng pensiyong pinansiyal kay Teodora. Tinanggihan ito ng "Dakilang Ina" na nagpahayag na hindi raw mababayaran ng materyal na bagay ang sakripisyo nilang mag-ina na kapwa nagmahal sa bayan. Si Jose na nag-alay ng buhay alang-alang sa kalayaan at si Teodora na humugis sa kadakilaan ng isang pambansang bayani ng sangkapuluan.


Namatay si Teodora Alonzo noong Agosto 16, 1911.


Ang dignidad na kalakip ng pagiging Ina ni Teodora ay ipinagmamalaki ng lahat ng inang Pilipina na nagmamahal din sa mga anak nila.

Previous
Next Post »