Print Friendly and PDF

Ang Tahanan

Ang Tahanan

Ang TahananMaliit na dampa ang aking tahanan,
Walang palamuti't mga kasangkapang
Tulad ng sa ibang magagarang bahay;
Nagtataka ako nang gayon na lamang
Kung bakit lagi kong pinagpipilitang
Doon din magbalik sa kinahapunan!

Pag ako'y nalayo kahi't munting saglit,
Nais kong sa dampa'y kaagad magbalik;
Kapag nawawalay, ako'y nananabik,
At kung naghihintay, ako'y naiinip;
Natutuwa ako kapag namamasid
Ang aking magulang at mga kapatid...

Maligaya ako kung nakakapiling
Ang lahat ng aking kaisang-damdamin,
Nalilimutan ko ang mga hilahil,
Ang sumasa-puso'y banal na hangarin;
Kaya't sa tuwa ko'y malimit sabihing
Ang Diyos ay sadyang malapit sa akin.

Ang aking tahana'y isang munting pugad
Na nahihiyasan ng mga pangarap;
Doon ko nakita ang unang liwanag,
Ang pagka-tao ko'y doon din namulat...
Ang aking tahanan ay walang katulad,
Tanging kayamanang sa langit nagbuhat.
Previous
Next Post »