Print Friendly and PDF

Talambuhay ni Julian Felipe

Talambuhay ni Julian Felipe

May mga dakilang Pilipinong nag-aalay ng buhay para sa kalayaan; may mga dakilang Pilipino na naghandog ng talino upang magbigay inspirasyon sa rebolusyon. Isa sa gumamit ng talino ang dakilang kompositor na si Julian Felipe.

Si Julian ay ipinanganak sa Cavite noong Enero 28, 1861. Pinakabunso siya sa mga anak nina Justo Felipe, panday at Victoria Reyes, maybahay. Ang pagkahilig niya sa musika ay motibasyon ng kaniyang ama na isang miyembro ng Koro ng Simbahan.

Sa publikong eskwelahan sa Cavite unang nag-aral si Julian. Sa larangan ng musika, una niyang naging guro si Leandro Cosca. Si Padre Pedro Catalan namang kura paroko ng Cavite ang nagturo sa kaniyang tumugtog ng piyano.

Naging organista siya ng San Pedro Church at guro ng musika sa paaralang La Sagrada Familia. Naipamalas ni Julian ang husay sa musika nang maipanalo niya ang mga komposisyong Amorita Danza, Cintas y Flores Rigodones at Matete al Santisimo sa "Regional Exposition" na ginanap sa Maynila noong 1895.

Sa tagumpay na tinanggap ay inimbitahan siyang maging miyembro ng kilalang Santa Cecilia Musical Society.

Sa pagmamahal sa bayan, ang sikat na tulang Un Recuerdo na isinulat ni Balmori ay nilapatan ni Julian ng musika. Ang nabanggit na musika ay handog niya sa labintatlong martir ng Cavite na pinatay ng mga mapang-aping Kastila noong Setyembre 12, 1896.

Nang sumiklab ang Rebolusyon ay itinabi muna ni Julian ang paglikha ng musika at matapang na sumapi sa mga Rebolusyonaryo.

Sinamang palad na nahuli si Julian kasama ng maraming nagtatanggol sa bayan. Una siyang ikinulong sa Fort San Felipe, Cavite. Kahit hindi napatunayang aktuwal na lumaban sa mga Kastila, ang musikero ay ipinadala sa Maynila at ikinulong din ng ilang buwan sa Fort Santiago.

Noong kasagsagan ng digmaang Espanya-Amerika, nakipagkita si Julian kay Heneral Emilio Aguinaldo upang magprisintang gumawa ng isang marchang pandigmaan. Ang unang pyesang tinugtog ni Julian ay hinangaan ng Heneral pero isang pyesang punung-puno ng pagmamahal sa bayan ang hinahanap nito. Hinamon ng Heneral ang musikero na gumawa ng isang kakaibang musikang pandigma. Ang hamon ay tinanggap ni Julian. Anim na araw lamang ay dinala na ng musikero ang pyesa. Tuwang tuwa ang Heneral nang napakinggan ang "Marcha." Nagpalakpakan ang mga rebolusyonaryo sa bago nilang musikang pandigma.

Nang iproklama ni Heneral Aguinaldo ang kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898 sa Kawit, Cavite ay tinugtog ng Banda San Francisco de Malabon ang "Marcha Nacional Filipina" ni Julian. Nangilid ang luha sa mga mata ng rebolusyonaryo nang mapakinggan ang Marchang punung-puno ng pag-ibig sa bayan.

Sa malaking tulong na ibinigay ng nasabing Marcha upang mabuhayan ng loob ang mga Pilipinong nagsilaban sa digmaan, hinirang na Direktor ng Pambansang Banda ng Republika si Julian na may ranggong Kapitan.

Matapos ang digmaan, nagbalik sa lalawigan si Julian upang harapin ang pagtuturo ng musika. Nahalal siyang Konsehal ng Cavite noong 1902.

Namatay ang dakilang kompositor at rebolusyonaryong Pilipino noong Oktubre 2, 1944.

Ang talino sa musika at ang pagmamahal sa bayan ay inialay ni Julian Felipe sa ating bansa upang lalong magningning ang kalayaan natin sa oras ng pakikidigma.
Previous
Next Post »