Print Friendly and PDF

Talambuhay ni Ladislao Diwa

Talambuhay ni Ladislao Diwa

Ang masalimuot na gawain ng tunay na propagandista ay buong pusong isinabalikat ni Ladislao Diwa upang palayain ang bansa.

Si Ladislao ay isinilang sa San Roque, Cavite noong Hunyo 27, 1863. Pangatlo siya sa sampung anak nina Mariano Diwa at Cecilia Nocon.

Una siyang pumasok sa paaralan ni Padre Perfecto Manalac. Naging capista siya sa Letran at nakapagtapos ng Bachelor of Arts. Pumasok siya nang labing-apat na taon sa seminaryo. Kung hindi kumontra ang kaniyang ama ay naging ganap sana siyang pari. Sa halip na teolohiya, ginusto niyang matutuhan ang abugasiya sa Unibersidad ng Santo Tomas.

Habang nag-aaral ay madalas niyang nakikita si Andres Bonifacio na palihim na nag-aabot ng mga propagandang sinulat ni Rizal at Del Pilar. Naganyak siyang kaibiganin si Bonifacio. Sa madalas na pakikipag-usap naging magkaibigan ang dalawa. Sa inuupahang bahay sa Santo Cristo nakitira si Ladislao. Nakilala dito ng Caviteno ang iba pang propagandistang Pilipino.

Nang hulihin si Rizal at ipatapon sa Dapitan ay nag-isip si Ladislao ng isang organisasyong hindi repormasyon ang layunin kundi rebolusyon. Dito isinilang ang Katipunan. Ibinase ni Ladislao ang Katipunan sa Triyumbarito ng Rebolusyong Pranses at sa Triyumbarito ng sinaunang Roma kung saan nagsisimula sa unang triyanggulo ang organisasyon. Wala ritong presidente at bise presidente upang walang maghangad ng mataas na posisyon.

Ang unang triyanggulo ay binuo nina Andres Bonifacio, Ladislao Diwa at Teodoro Plata. Ang bawat isa sa kanila ay bumuo ng kani-kaniya ring triyanggulo hanggang sa dumami nang dumami ang mga kasapi ng Katipunan.

Ang paggamit ng mga kodo at hudyat sa Katipunan ay ibinasa ni Ladislao sa La Misa Negra ng Italya. Sa halip na Ladislao Diwa, kilala siya ng kapwa Katipunero sa tawag na "Balite".

Nang manungkulan si Ladislao bilang curial de jusgado sa Pampanga ay lumawak ang naitulong niya sa propaganda. Nakahikayat ng maraming miyembro ang Katipunan sa Bulacan, Nueva Ecija at Tarlac.

Nang madiskubre ang organisasyon noong 1897 ay hinuli si Ladislao sa Bacolor, Pampanga at ikinulong sa Fort Santiago. Sobrang pagpapahirap ang tinanggap ng Caviteno. Matapos ang limang araw na pagdurusa ay pinalaya rin siya nang pakawalan ng mga Katipunero ang ilang Kastilang bihag.

Inaasahan ng mga Espanyol na hihinto na sa pagiging rebolusyonaryo si Ladislao. Nagkamali sila. Sa pagdating ng mga Amerikano ay nakipagtulungan pa rin ang Caviteno upang mapasuko ang mga guardia civil sa pamumuno ni Leopoldo Garcia Oena. Sa pagkatalo ng mga Espanyol, naging koronel si Ladislao. Matapos iproklama ang kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898, nahalal siyang Gobernador ng Cavite at matapat na naglingkod sa mga kababayan.

Sa Digmaang Pilipino-Amerikano muli na naman siyang naging rebolusyonaryo na naglingkod bilang kalihim ni Heneral Mariano Trias. Nakipaglaban sila sa mga tropa ni Heneral Whaton kaya sa halip na laban Espanyol ay laban Amerikano ang isinisigaw ng mga rebolusyonaryo.

Matapos masukol ng mga Amerikano si Pangulong Aguinaldo ay napilitan na ring sumuko si Ladislao Diwa kasama si Heneral Mariano Trias sa Indang, Cavite noong Marso, 1901.

Namatay si Ladislao noong Marso 12, 1930.

Ang katauhan ni Ladislao Diwa ay kalakip ng Katipunang itinindig niya kasama nina Andres Bonifacio at Teodoro Plata. Ang anumang tagumpay na nakamit ng Katipunan sa paglaban sa Espanya at Amerika ay tagumpay rin ni Ladislao Diwa na nanindigan sa kalayaan ng sambayanan.

Isang matapat na bayani ng kaniyang kapanahunan si Ladislao Diwa!
Previous
Next Post »