Minsan isang hapong mainit ang araw,
May anim na bulag, sa zoo namasyal,
Nagkasundo silang doon ay dumalaw
Upang elepante ay makapanayam.
Iyang unang bulag, siyang nagpasiya;
"Diyos po, hintay! Hindi ko madipa,
Palagay ko parang dingding siya,"
Kagyat na sinabing kasabay ay tawa.
Ikalawang bulag ay siyang lumapit,
Hindi sinasadya sa pangil kumapit:
"Bilog at makinis, totoong matulis,
Pihong sibat ito!" ang pagmamatuwid,
Ang ikatlong bulag, sumunod, humipo;
Ang nahipo'y tuhod, tulad daw ng puno:
"Puno ng kahoy, tunay, hindi biro!
Magpustahan tayo upang magkasundo."
Ikaapat na bulag, kaipala'y lumapit,
Ang nahipo'y nguso, madulas, pilipit:
"Alam ko na, ahas!" ang siyang sinambit,
Ang pagkakasabi ay dalawang ulit.
Ang sumunod nama'y ikalimang bulag,
Ang nahipo'y taynga, sinabi kaagad:
"Ito ay pamaypay, aking tinitiyak,"
Kasabay ang ngiting sa labi bumukad.
Katapusang bulag, sa huli napabanda,
Kaya itong buntot ang nahipo niya:
"Lubid! Walang sala!" pagkaraka'y badya,
Walang alinlanga't tila nagyabang pa.
Ang anim na bulag ay nangagsiuwi,
Tuloy ang taltalan at di mapagwari
Kung sino ang tama, kung sino ang mali,
Pagpalain ng D'yos ang anim na sawi!
Kuwento ni Pablo Cuasay
Sign up here with your email
ConversionConversion EmoticonEmoticon